Nasawi ang isang ginang at tatlo niyang paslit na anak habang nasugatan ang isang lalaki makaraang sumiklab ang sunog sa bahay ng mag-iina na matatagpuan sa itaas ng isang palengke sa Tondo, Maynila, nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na si Evelyn Veloso, nasa hustong gulang, at mga anak niyang sina Marky, 4; Micaela, 6; at Edison, 7, pawang taga-Carmen Planas Street sa Tondo.
Samantala, sugatan naman ang isang Raffy Fernandez, na residente rin sa lugar.
Batay sa ulat ni Manila Fire Department Chief Jaime Ramirez, nagsimula ang sunog dakong 11:00 ng gabi sa New Oriental Market, na sinasabing pagmamay-ari ng isang Ciara Tan, sa Carmen Planas Street, malapit sa Sto. Niño Church.
Umabot sa Task Force Alpha ang sunog pagsapit ng 11:30 ng gabi at tuluyang naapula dakong 1:00 ng umaga kahapon.
Sa imbestigasyon, lumitaw na posibleng pagsiklab ng linya ng kuryente ang pinagmulan ng sunog sa gusali, bagamat patuloy pa ang imbestigasyon.
Pinaniniwalaang hindi nagising ang mag-iina sa kanilang silid sa itaas ng palengke sa kasagsagan ng sunog, na tumupok sa nasa P5 milyon halaga ng ari-arian.
Limampung pamilya naman ang naapektuhan ng sunog. (MARY ANN SANTIAGO)