DITO sa Pilipinas nagwakas ang bakas ng nilarakan ng $81 million na nakulimbat sa cyberheist. Ang napakalaking salapi ay pag-aari ng Bangladesh, na nasa Federal Reserve Bank of New York. Sa pamamagitan ng computer hacking ay nailabas ang nasabing pera ng mahirap na bansa, na higit na mahirap kaysa Pilipinas.

Humingi ng tulong ang Bangladesh sa mga opisyal natin, kaya bukod sa naunang lihim na imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), nag-imbestiga na rin ang Senado. Dumalo sa imbestigasyon ang mga kinatawan ng Bangladesh.

Pero ano ang nasaksihan nila at lahat ng nakasaksi sa imbestigasyong ito? Pagtatakip. Sinakal ang daloy ng impormasyon kay Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC), Jupiter Branch Manager Maia Santos Deguito. Paano kasi, iyong mga tanong sa kanya ng mga senador na magbibigay ng linaw kung paano pumasok at lumabas sa bangko ang pera at kung sinu-sino ang mga responsable dito ay ayaw niyang sagutin. Mapapahamak daw siya kung sasagutin niya ang mga tanong dahil magagamit ang mga ito laban sa kanya sa plunder case na una nang isinampa sa kanya sa Ombudsman.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang paghahain ng nasabing kaso ay bahagi ng sistema ng pagtatakip na ginagamit ngayon ni Deguito upang huwag siyang mapilit na ilabas ang kanyang nalalaman.

Pero ang malaking problema ay bakit nakialam agad ang Senado gayong nag-iimbestiga pa lang ang AMLC? Binulabog nito ang dapat na tahimik at lihim na imbestigasyon ng AMLC. Naalerto na ang mga sangkot o may kaugnayan sa krimen.

Ganoon pa man, yamang pinakialaman na ng Senado ang kaso, dapat ay ginamit nito ang kapangyarihan upang nabilad na sa kabuuan ang krimen. Hindi iyong pumayag ito sa Executive Session na hiling ni Deguito. Eh, sa Executive Session, hindi kasama rito ang publiko. Kung ano ang sinabi ng isang testigo sa Executive Session ay puwedeng ipaalam ng mga senador sa publiko, ayon sa layunin nilang magiging bunga ng imbestigasyon. Kung pagtatakip, madali nilang gawin ito dahil nasa kanila na kung lilimitahan nila ang pagtatanong upang maipit ang impormasyong dapat lumabas.

Huwag din namang aakalain ni Deguito na hindi na magagamit ang kanyang deklarasyon sa Executive Session kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanya. Maaaring sa pormal sa pagdinig sa kanyang kaso ay hindi ito ilabas. Pero, susundan ang kanyang deklarasyon sa paghahanap sa iba pang ebidensiya para mapagtibay ito. Ang mga ebidensiyang ito ang maaaring gamitin laban sa kanya.

Hindi maganda ang ipinakikita natin sa Bangladesh sa kanilang kagipitan na inihihingi nila ng tulong sa atin. Baka tayo naman ang malagay sa katayuan ng Bangladesh at walang pumansin sa atin. (Ric Valmonte)