Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato sa eleksiyon sa Mayo 9 na bawal muna silang mangampanya ngayong Semana Santa.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, alinsunod sa batas ay hindi pinapayagan ang pangangampanya ng mga kandidato sa Huwebes Santo (Marso 24) at Biyernes Santo (Marso 25) bilang pagbibigay-galang sa makabuluhang tradisyon ng mga Katoliko.

Kaugnay nito, nilinaw din ni Jimenez na sa Marso 26 pa makapangangampanyang muli ang mga kandidato, at ito rin ang unang araw ng kampanya ng mga kandidato sa mga lokal na posisyon.

Inaasahan namang magtatapos ang panahon ng kampanya sa Mayo 7, o dalawang araw bago ang halalan sa Mayo 9.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Samantala, sinegundahan ng Malacañang ang mungkahi ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. na magkaroon ng “political ceasefire”, hindi lang ngayong Semana Santa, kundi buong taon.

“Iginagalang natin ang pahayag ni Speaker Belmonte bilang isang haligi ng ating pamahalaan at ng Koalisyon ng Daang Matuwid,” sabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. “Marapat lamang na sa lahat nang pagkakataon at hindi lang sa panahon ng kampanya isabuhay ang diwa ng Kuwaresma alang-alang sa mga sakripisyo at paghihirap ng Panginoon upang mailigtas ang sangkatauhan.”

Sinabi pa ni Belmonte na mas mabuting gamitin ng mga kandidato ang panahon ng Semana Santa upang limiing mabuti ang kani-kanilang plataporma, para matiyak na mapagsisilbihan nang wasto ang mamamayan sakaling mahalal.

(Mary Ann Santiago at Genalyn Kabiling)