Nag-init ang San Beda College-A sa kanilang outside shooting upang walisin ang nakatunggaling San Beda-C , 2-0, at angkinin ang titulo bilang unang kampeon ng Intercollegiate 3×3 Invitational nitong Linggo sa Mall of Asia Music Hall.

Sumandig ang Red Lions Team A sa maiinit na kamay nina Davon Potts at Robert Bolick upang maitala ang 11-9 at 22-8 na panalo sa Game One at Two ng finals para mawalis ang all-San Beda final series.

Dahil sa panalo, nag-uwi ng premyong P200,000 sina Bolick, Potts at mga kakamping sina Roldan Sara at Donald Tankoua habang napunta naman sa SBC-C team nina Arnaud Noah, William Navarro, Joe Presbitero at Jeramer Cabanag ang second place prize money na P100,000.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“We’re very happy because we’re champions. All our teams have been very competitive,” ayon kay Sara, incoming skipper ng Red Lions sa darating na NCAA Season 92.

Nauna rito, naitakda ang all-Red Lions finals matapos daigin ng San Beda-A ang University of the East-A, 18-13 sa semifinals habang isinalba naman ang San Beda-C sa winning layup ni Noah para pataubin ang UAAP champion Far Eastern University-A, 13-12.

Nahirang sina Potts at Noah sa i3i’s inaugural Mythical Team, kasama sina Joe Trinidad ng FEU-A at Arnold Pasaol ng UE-A.

Tumapos namang pangatlo ang UE-A na binubuo nina Pasaol, Clark Derige, Paul Varilla at Bonbon Batille, kasunod ng kanilang 21-14 panalo laban sa FEU-A na binubuo nina Trinidad, Holmqvist, Prince Orizu at Joseph Nunag sa event na inorganisa ni Kiefer Ravena at ng kanyang Rack Sports Management at inidorso ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.

May kabuuang 32 mga koponan mula sa UAAP at NCAA schools ang lumahok sa torneo na sinuportahan ng Akari, Meralco, SM Mall of Asia, MyPhone, Toby’s, Titan, The Frazzled Cook, Gatorade, Milo, Ambucare at Teravibe.

“This is the first step in our goal of getting more Filipinos involved in 3×3,” ayon kay Ravena. (Marivic Awitan)