SA panahon ng Semana Santa, isa sa mga mainam na pagnilayan ang pagkakanulo ni Hudas Iskariote kay Kristo. Sa pagninilay, maiisip na ito’y may hatid na lungkot at kapaitan. Si Hudas ay isa sa mga alagad at barkada ni Kristo.

Ayon sa ilang Bible scholar, si Hudas ay kababata at malapit na kaibigan ni Kristo nang hirangin ni Kristo si San Pedro bilang pinuno ng mga Apostoles, at hinirang naman Niya si Hudas bilang ingat-yaman ng samahan. Sa ating makabagong panahon, si Hudas ay maihahambing sa chief operating officer (COO). Ang Apostoles ni Kristo ay nabubuhay sa kontribusyon ng mga nananalig kay Kristo. Kumukupit si Hudas ng pera sa supot ng kanilang samahan. Katulad si Hudas ng mga nasa pamahalaan na hindi lamang kinukupit ang salapi ng bayan kundi ninanakaw at dinarambong ng mga tulisan sa gobyerno na nagiging dahilan ng paghihirap ng mamamayan.

Si Hudas, ayon sa Bibliya, ay anak ni Simon Iskariote, ng Timog ng Judea. Sa pagsama niya sa barkada ni Kristo, na karamihan ay mga mangingisda, si Hudas ay mayroon nang masamang pakay. Hangad niyang magkaroon ng puwesto at kapangyarihan sakaling maging hari si Kristo ng mga Hudyo. Napansin ni Kristo ang layuning iyon ni Hudas.

Pinasaringan ni Kristo si Hudas. Sinabi ni Kristo na ang mga salita Niya ay buhay ngunit may ilan sa kanyang mga alagad ang hindi naniniwala. Bilang miyembro ng barkada ni Kristo, si Hudas ay hindi kaisa sa pangkalahatang layunin ng barkada.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nang mahalata ni Hudas na hindi matutupad ang kanyang personal na interes at umiinit na ang mga may kapangyarihan kay Kristo, nag-isip siya ng paraan kung paano makagaganti. At ang pagkakanulo niya kay Kristo ang ginawa ni Hudas.

Ang pagtataksil ni Hudas kay Kristo ay tinumbasan ng 30 pirsong pilak. Ang nasabing halaga ang pinakasuhol sa ginawa ni Hudas. Inihudyat ng isang halik ang pagtataksil ni Hudas na ikinatuwa ng mga escriba at pariseo sapagkat nagkaroon sila ng pagkakataon na madakip si Kristo kahit walang warrant of arrest kung ihahambing sa panahon natin ngayon.

Sa buhay-Kristiyano, at maging sa iba’t ibang larangan ng buhay, lipunan, pamahalaan, samahan, bangko, at iba pang gawain na kinasasangkutan ng tao, ang pagkakanulo ni Hudas kay Kristo ay naging simbolo ng kataksilan. Maging ang halik na sinasabing tanda raw ng pagmamahal, kahit ito’y ubod ng tamis, matunog at dikit-laway, kapag hindi naman matapat at puno ng pagkukunwari, ay itinuturing na “Halik-Hudas” na dapat ingatan. (CLEMEN BAUTISTA)