Idinagdag ng cultural body ng United Nations ang lalawigan ng Albay sa listahan ng 20 bagong protected biosphere nature reserves, kasama ang tig-dalawang lugar sa Canada at Portugal.
Kilala bilang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) Eco Parks, iginawad ang status sa dalawang araw na pagpupulong sa Lima, na nagtapos nitong Sabado, itinaas ang kabuuang bilang ng biosphere reserves sa 669 sa 120 bansa.
Ang biosphere reserves ay mga lugar para sa pag-aaral sa sustainable development sa pangangalaga ng biodiversity at sustainable use ng mga likas na yaman.
Binanggit ng UNESCO ang high conservation value ng Albay na may kapansin-pansing 182 terrestrial plant species, 12 species ng mangrove, 40 species ng seaweed o macro-algae, at 10 species ng sea grass. Lima sa 7 species ng marine turtles ng mundo ay matatagpuan rin sa Albay.
Kahilera na ngayon ng Albay ang dalawa pang biosphere reserves sa Pilipinas: Puerto Galera (idineklara noong 1977) at Palawan (idineklara noong 1990).
Sa Canada, idinagdag sa listahan ang Tsa Tue area sa Northwest Territories at ang Beaver Hills region ng Alberta.
Napili rin ang Isle of Man ng Britain at ang Isla Cozumel ng Mexico.
Sa Portugal, ang buong isla ng Sao Jorge, ang ikaapat na pinakamalaki sa Azores Archipelago, ay itinalagang reserve bukod sa Tajo River region sa pagitan ng Portugal at Spain.
Ang listahan ng bagong UNESCO biosphere reserves ay kinabibilangan din ng mga lugar sa Algeria, Ghana, Haiti, India, Indonesia, Iran, Italy, Kazakhstan, Madagascar, Morocco, Peru at Tanzania.
Sa daan-daang lokasyon sa listahan, 16 ay mga lugar na nasasakupan ng mahigit isang bansa. Ang Spain ang may pinakamalaking bilang ng registered reserves. (AFP/Jiji Press)