NAGDAGDAG ang sangay na pang-kultural ng United Nations, ang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o UNESCO, ng 20 bagong lugar sa network nito ng mga protektadong biosphere nature reserves, kabilang ang dalawa sa Canada at isa sa Portugal.
Iginawad sa 20 lugar ang nabanggit na status sa dalawang-araw na pulong sa Lima, Peru na nagtapos nitong Sabado.
Dahil dito, nasa 669 na ang kabuuang bilang ng mga biosphere reserves sa 120 bansa.
Sa Canada, ang Tsa Tue area sa Northwest Territories ng bansa, na kinatatampukan ng huling puro at perpektong arctic lake, ang nadagdag sa listahan, kasama ang rehiyon ng Beaver Hills sa Alberta, na ang pangunahing tanawin ay nabuo ng umuurong na glacier.
Napabilang din sa prestihiyosong tala ang Isle of Man ng Britain, na matatagpuan sa Irish Sea, na may sagana at sari-sari yamang tubig, gayundin ang Isla Cozumel ng Mexico.
At sa Portugal, ang buong Island of Sao Jorge, ang ikaapat na pinakamalaki sa Azores Archipelago, ang itinalaga bilang bagong biosphere reserve, bukod pa sa rehiyon ng Tajo River na nasa pagitan ng Portugal at Spain.
Kabilang din sa listahan ng bagong UNESCO biosphere reserves ang mga lugar sa Pilipinas, Algeria, Ghana, Haiti, India, Indonesia, Iran, Italy, Kazakhstan, Madagascar, Morocco, Peru, at Tanzania.
Sa daan-daang lokasyon na pumasok sa listahan, 16 ang sumaklaw sa mahigit isang bansa.
Ang Spain ang bansang may pinakamaraming rehistradong biosphere reserves.
Sa pulong, inaprubahan din ang siyam na extension sa mga nauna nang tinukoy na biosphere reserves.
(Agencé France Presse)