Ni MARY ANN SANTIAGO
Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi maaaring diskuwalipikahin ng komisyon sa 2016 presidential race si Senator Miriam Defensor-Santiago dahil sa sakit nitong cancer.
Ito ang inihayag ni Comelec Chairman Andres Bautista matapos na hindi makadalo ang senadora sa ikalawang presidential debate sa Cebu City kagabi, dahil sa pagsailalim nito sa clinical trial procedure sa bago ngunit hindi tinukoy na anti-cancer pill.
Ayon kay Bautista, alinsunod sa Konstitusyon, at sa anumang batas, hindi kinakailangang maganda ang kalusugan ng tao para payagan itong kumandidato sa pagkapangulo.
Paliwanag niya, bagamat hindi basehan ng diskuwalipikasyon ang sakit ni Santiago, maaari naman itong magdulot ng duda sa mga tagasuporta ng senadora kung may kakayahan ba talaga ang huli para pamunuan ang bansa bilang pangulo.
“Siyempre puwedeng maging issue ‘yan laban sa kanya. ‘Yung mga boboto sa kanya, siyempre, iisipin kung kaya niyang magampanan ang tungkulin ng isang Pangulo,” ani Bautista. “Pero that to us is a campaign issue as opposed to qualification ng isang kandidato.”