Ni Angie Oredo

Ronald OranzaWalang pagsidlan ang kasiyahan ni LBC Ronda Pilipinas Visayas Leg champion Ronald Oranza bunsod ng katotohanan na napalawig niya ang tradisyon at mapabilang sa mga natatanging rider mula sa kinikilalang sentro ng ‘cycling history’ sa bansa – ang lalawigan ng Pangasinan.

Hindi napigilan ng 22-anyos na si Oranza, mula Villasis, Pangasinan, na mapaluha sa labis na kasiyahan matapos dominahin ang limang yugtong karera na nagsimula sa Bago City, Negros Occidental at nagtapos sa Roxas City.

“Masaya na mapabilang sa listahan ng mga Tour champion mula sa Pangasinan,” sambit ng Philippine Navy-Standard Insurance member. “Alam naman ng lahat na kapag cycling ang pinag-usapan ay probinsiya agad namin ang punto,” aniya.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Unang nagbigay ng pagkakakilanlan sa Pangasinan si Rufino Gabot, pambato ng Bugallon, nagbigay ng titulo sa cycling noong 1957, bago sinundan ng iba pang Pangasinense na sina Mamerto Eden (1959), Edmundo de Guzman (1961), Gonzalo Recodos (1963), Jesus Garcia (1973), Teodorico Rimarim (1974), Samson Etrata (1975), Modesto Bonzo (1976), Jacinto Sicam (1981-1982), Romeo Bonzo (1983), Ruben Carino (1984), Pepito Calip (1985) at Bernardo Lientada (1990).

Mahigit sa 20 siklista rin mula sa Pangasinan ang nagawang magwagi ng lap at titulo sa anim na edisyon ng Ronda Pilipinas Tour habang ang iba ay nagpakita rin ng husay sa Padyak Pinoy, Tour of Calabarzon at maging sa Le Tour de Filipinas.

Ilan sa bago nitong henerasyon ay ang tanging 3-time Tour champion na si Santy Barnachea, El Joshua Carino, Irish Valenzuela, Cris Joven, Ronald Gorantes, Mark John Lexer Galedo, Joel Calderon, Tomas Martinez, George Oconer at si Oranza.

Nagawa ni Oranza na magtala ng kabuuang pitong stage victory, kabilang ang panalo nito sa Stage One at Three, upang agad siguruhin na masusungkit ang kanyang pinakaunang korona kahit na may dalawa pang yugtong natitira.

“Ipagpapatuloy ko lang po ang pagkarera at kung ano man po ang dumating ay nagpapasalamat na lang po ako lalo na sa mga teammate ko sa Team Navy,” pahayag ni Oranza.