NAGSIMULA nang mag-alisan sa Syria ang mga warplane ng Russia nitong Martes sa hakbanging ikinagulat ng mga Western official. Ang Russia, katuwang ang Iran, ang mga pangunahing tagasuporta ni Syrian President Bashar al-Assad sa digmaang sibil sa bansa sa nakalipas na limang taon. Binomba ng mga eroplano ng Russia ang puwersa ng mga rebelde, kabilang ang ilan na suportado ng United States at ng iba pang bansang Kanluranin.

Nasorpresa ang mga Western official sa hindi inaasahang desisyon ni Russian President Vladimir Putin na i-pullout ang mga Russian warplane. Sa kabila nito, tinanggap pa rin ito bilang isang positibong kaganapan sa isinusulong na prosesong pangkapayapaan sa Geneva, Switzerland.

May umiiral na partial ceasefire sa Syria simula noong Pebrero 27, na ang lahat ng panig, maliban sa mga grupong jihadist na Islamic State at al-Nusra Front, ay nagkasundong itigil ang lahat ng operasyon upang bigyang-daan ang pagpupulong ng mga negosyador. Nag-ulat ang United Nations Commission of Inquiry in Syria ng “significant decrease” sa karahasan at sinabing “for the first time, there is hope of an end in sight.”

Layunin ng usapang pangkapayapaan sa Geneva na magkaroon ng isang kasunduan kung paano pamamahalaan at sino ang mamumuno sa Syria pagkatapos ng digmaang sibil. Sa buong panahong ito, walang plano si Assad na bitiwan ang kanyang posisyon o ilipat ang kanyang pamamahala. Ayon sa mga analyst, ang desisyon ni Putin na pabalikin ang mga eroplano ng Russia mula sa pakikipaglaban para sa panig ni Assad ay maaaring maging daan upang pag-isipang mabuti ng huli ang kanyang paninindigan sa usapang pangkapayapaan.

Ang iisang kaaway ng iba’t ibang panig na magpupulong sa Geneva ay ang Islamic State at ang al-Nusra Front. Kinalap ng UN Commission of Inquiry in Syria ang mahabang listahan ng mga pag-abuso mula sa lahat ng panig ngunit partikular na kinondena ang Islamic State sa maraming karahasan, kabilang ang pagpipiit at pagpapahirap sa libu-libo, paggamit ng mga suicide bomb sa komunidad ng mga sibilyan, at ang seksuwal na pang-aalipin sa mahigit 3,000 babaeng Yazidi.

Iginigiit ng mga imbestigador mula sa United Nations na mapanagot ang mga may sala at agad na maigawad ang katarungan sa mga naapi sa pamamagitan ng mga lokal at pandaigdigang paglilitis. Ngunit malinaw na walang mangyayaring paglilitis na gaya nito habang nagpapatuloy ang digmaan at walang napagkakasunduan sa Geneva.

Nakatutok ang lahat sa usapang pangkapayapaan at inaasahang ang pagbawi sa mga warplane ng Russia mula sa digmaan ay magbibigay ng tsansa upang masumpungan sa pag-uusap ang isang kasunduan na magwawakas sa limang taon ng kaguluhan, magbibigay-tuldok sa paglikas ng mga Syrian refugee patungo sa Europe, at maggagawad ng hustisya sa libu-libong biktima ng karahasan at pag-abuso sa karapatang pantao sa mga lugar na winasak ng digmaan sa Gitnang Silangan.