Pinalakas ng University of the Philippines ang kampanya na makarating sa semi-final matapos maiposte ang 2-0 panalo kontra De La Salle nitong Sabado sa UAAP Season 78 men’s football tournament, sa McKinley Hill Stadium sa Taguig City.

Nagtala sina Feb Baya (ika-35 minuto) at Kintaro Miyagi (ika-65 minuto) ng goal para sa Fighting Maroons na ipinalasap ang ikalawang kabiguan sa Green Archers at ikalawa ring sunod sa second round.

Nagsilbing konsolasyon para sa De La Salle ang pananatili nilang nasa ikalawang posisyon sa team standing taglay ang 17 puntos, may dalawang puntos ang layo sa Maroons na may 15 puntos.

Sa isa pang laban, ipinalasap ng defending champion Far Eastern University ang unang kabiguan ngayong taon para sa namumunong University of Santo Tomas, 4-0.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sinimulan ni rookie Dave Deloso ang scoring para sa Tamaraws na naiposte ang kanilang ikaapat na sunod na panalo nang maka-goal sa ika-32 minuto at sinundan ng isa para sa ika-65 minuto.

Ganap namang naselyuhan nina skipper Eric Giganto at Michael Menzi ang panalo sa pamamagitan ng kanilang goal sa huling 10 minuto ng regulation.

 “Actually dapat nung first round pa yan. Yun lang, yung mga chances namin before, hindi lang pumasopk, so ngayon dun  talaga kami nag-focus sa training, yung mga finishing touches papunta sa goal, “ pahayag ni Giganto.

Sa kabila ng pagkatalo, nanatiling nangunguna ang Tigers na may 18 puntos habang umangat ang Tamaraws sa ikalawang puwesto, kapantay ng Green Booters na may 17 puntos, subalit mas angat pa sila ngayon dahil sa goal difference. - Marivic Awitan