Ni MARY ANN SANTIAGO

Matutuloy na ang pagdaraos ng botohan sa mga shopping mall sa Mayo 9, 2016.

Sa pulong balitaan sa Cebu nitong Sabado ng gabi, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na 86 na mall sa bansa ang makikilahok sa mall voting.

Ayon kay Bautista, may 200,000 botante mula sa 120 clustered precinct ang inaasahang makikinabang sa botohan sa mga mall.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ipinaliwanag ni Bautista na nagdesisyon ang poll body na ipatupad na ang mall voting matapos ang serye ng public consultation sa ilang clustered precincts.

Nabatid na buong clustered precincts ang ililipat sa mga mall.

Mananatili naman aniyang prioridad sa pagboto ang mga senior citizen at may kapansanan.

Ilan sa mga kasama sa mall voting ang SM Supermalls, Ayala Malls, Robinsons Malls, Gaisano Grand Malls, Megaworld Lifestyle Malls, Pacific Malls/Metro Gaisano, WalterMart Community Malls, at Fisher Mall.

Hindi naman isinama ng Comelec ang mga mall na pagmamay-ari o konektado sa mga kandidato.

Layunin ng mall voting na ma-decongest ang mga pampublikong eskuwelahan na nagsisilbing polling areas.

Naniniwala ang Comelec na maraming benepisyong maidudulot ang mall voting, tulad ng pagiging mas malinis, mas ligtas at mas kumbinyente kumpara sa mga pampublikong paaralan.

Mas tiyak din umano ang supply ng kuryente sa mga mall, bukod pa sa mas mahigpit ang seguridad.