Mas lalo pang pasasayahin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang isinasagawa nitong family-oriented at local government unit based program na Laro’t-Saya sa Parke sa pagsasagawa ng “Summer Games” na binubuo ng mga mini-tournament sa libreng itinuturo.
Inaprubahan ni PSC Chairman Richie Garcia ang pagsasagawa ng torneo upang makita ang kinahinatnan ng libreng pagtuturo ng mga basic steps sa napili nitong mga sports na arnis, karatedo, taekwondo, chess, volleyball, badminton, football at ang kinagigiliwan na Zumba – aerobics.
Ipinaliwanag ni LSP Project Director Atty. Guillermo Iroy, Jr. na susubukan munang maisagawa ang LSP Summer Games sa loob ng limang sunod na Linggo sa buwan ng Abril bago ipatupad ang pagsasagawa ng programa sa mga lalawigan.
Una munang magsasagawa ang PSC ng Fun Run bilang selebrasyon sa National Heroes Day sa Abril 9 bago nito sunod na isagawa ang Laro’t-Saya sa Parke Summer Games.
Samantala, muli namang umabot sa kabuuang 1,275 katao ang nakilahok sa Luneta Park, tampok ang 977 sa Zumba, siyam sa arnis, 67 sa badminton, 75 sa chess, 39 sa football, 18 sa karatedo, 19 sa lawn tennis, 38 sa volleyball at 35 sa mga senior citizens.
May kabuuang 129 kabataan naman ang kabilang sa Kawit, Cavite para sa Zumba class (79), badminton (20), volleyball (15), taekwondo (9) at senior citizen (6) habang may 604 sa Quezon City Memorial Circle. - Angie Oredo