NAGHATID ng bagong panlasa sa primetime habit ng televiewers ang family drama series na Little Nanay ng GMA Network simula nang umere ito noong nakaraang Nobyembre. Ibinahagi at pinalaganap ng show ang family values, malasakit at pag-ibig sa kapwa.
Sa pagwawakas ng serye ngayong Miyerkules (Marso 23), nais bigyang-diin sa mga manonood ng gumanap ni Kris Bernal ang kahalagahan ng respeto at pamilya.
“Gusto kong matutunan ng viewers mula saLittle Nanay na huwag nating husgahan ang tao sa kanyang pagkakamali or pagkukulang, mas mabuting tingnan natin ang mabuting kalooban niya. Maging pantay-pantay ang treatment sa kahit anuman o sinuman. At pahalagahan ang bawat miyembro ng pamilya at maging madasalin,” paalala ng bida ng serye.
Gumaganap si Kris bilang si Tinay, ang young mom na may Intellectual Disability (ID) na aniya ay challenging at fulfilling role. Inamin ng aktres na maraming mahahalagang aral siyang natutuhan sa show at sa karakter na ginampanan niya.
“Natutunan ko na hindi hadlang ang kapansanan sa pagiging isang mabuting ina, kapatid, o kaibigan. Ang mga batang may ID ay may sariling kakayahan at maaari pang matuto. Natutunan ko rin ang halaga ng pagmamahal ng pamilya.”
Most memorable experience para sa kanya ang pakikipagtrabaho sa mga respetadong artista sa Little Nanay.
“Through this show, nabigyan ako ng chance to work with the best in the industry, like Mr.Bembol Roco, Mr. Eddie Garcia at ang nag-iisang Superstar Ms. Nora Aunor.”
Nakasama rin ni Kris Bernal sa Little Nanay sina Mark Herras, Juancho Triviño, Chlaui Malayao, Keempee de Leon, Gladys Reyes, Winwyn Marquez, Hiro Peralta, Rafa Siguion-Reyna, Jinri Park, Sunshine Dizon, Paolo Contis, Renz Fernandez, at Sunshine Dizon mula sa direksiyon ni Ricky Davao.
Huwag palampasin ang final episode ng Little Nanay ngayong Miyerkules pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad.