NAGKAISA ang mga lungsod sa mundo sa pagpapatay ng ilaw nitong Sabado ng gabi para sa ikasampung taunang Earth Hour, isang pandaigdigang kampanya na layuning protektahan ang planeta at bigyang-diin ang epekto ng climate change.
Habang lumalalim ang gabi, nagdilim ang mga siyudad mula sa South Korea hanggang sa United States sa inilarawan ng World Wildlife Fund bilang isang oras ng pagkakaisa ng mundo laban sa climate change. Pinangunahan ng grupo ang event at inihayag na 178 bansa at teritoryo—kabilang ang Pilipinas—ang nakibahagi sa Earth Hour.
Nangamatay ang ilaw para sa isang-oras na event—mula 8:30 ng gabi hanggang 9:30 ng gabi, local time — sa Beijing, Moscow, Beirut, Cairo, Athens, Rome, at Paris. Nagdilim maging ang mga ilaw sa tuktok ng Empire State Building sa New York, gayundin ang maraming billboard sa Times Square.
Sa Seoul, kabilang ang napalilibutan ng salamin na City Hall sa ilang pampublikong gusali na pinatayan ng ilaw, sa loob at labas. Pinatay din maging ang mga ilaw na nagpapaliwanag sa mga pangunahing landmark gaya ng dambuhalang COEX shopping mall, ang pinakamalaking railway station, at ang ilang tulay sa ibabaw ng Han River.
Sa Beijing, dumalo pa ang aktres na Chinese na si Li Bingbing sa switch-off sa iconic na Temple of Confucius, na isang oras na pinagdilim, habang inihayag naman ng mga opisyal ng gobyerno na ang slogan ng siyudad para sa pagtitipid ng kuryente ay “Consume less, consume wisely”.
Isa ang Taipei 101 skyscraper sa mga gusaling nagdilim sa kabisera ng Taiwan.
Pinangunahan naman ng mga opisyal sa Maynila ang daan-daang environmental activist, estudyante, at celebrities sa pelikula at telebisyon, sa pagpapatay ng mga ilaw sa Quezon Memorial Circle sa Quezon city. Sa gitna ng kadiliman, ilang partisipante ang nagpedal ng mga bisikletang gawa sa kawayan at nakakabitan ng maliliit na energy generator upang masindihan ang LED lights at mabigyang liwanag ang higanteng mapa ng Pilipinas. Simbolo ito ng pagpupursige ng bansa na ganap nang gumamit ng renewable energy sources, ayon sa mga organizer.
Ang unang Earth Hour ay idinaos noong Marso 31, 2007, nang bigyang inspirasyon ng WWF ang mamamayan ng Sydney upang magpatay ng ilaw sa loob ng isang oras. Simula noon, isinagawa na ang taunang event na ito ng WWF sa libu-libong siyudad at bayan sa iba’t ibang dako ng mundo tuwing Marso. - Associated Press