Ginapi ni Filipino-American at dating San Francisco State University NCAA Division II player Robbie Herndon si dating PBA one-time MVP Willie Miller, 21-19, para tanghaling kampeon sa Red Bull ‘King of the Rock’ National Finals nitong Sabado, sa Baluarte de Dilao sa Intramuros, Manila.

Dumagundong ang makasaysayang kampo ng mga sundalong Pinoy sa panahon ng digmaan sa hiyawan ng manonood matapos magpalitan ng pagbuslo ang magkaribal na player.

Gamit ang bilis at diskarte, nakalamang si Miller sa mas matangkad na karibal sa huling dalawang minuto ng laro, 17-15, ngunit nagawang makabuslo ni Herndon ng magkasunod na three-pointer para agawin ang bentahe at tanghaling kauna-unahang Pinoy na sasabak sa World Championship ng pamosong one-on-one street ball tournament.

Sa nakalipas na limang edisyon ng liga, pawang foreign player ang nakakakuha ng kampeonato.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Umabot sa 28 player, pawang kampeon sa isinagawang qualifying tournament sa iba’t ibang lalawigan at apat na nagkwalipika sa Manila elimination ang sumabak sa National Finals.

Matapos ang pahirapang elimination round, lumusot sa Final Four sina Robbie Herndon kontra Jonathan Egea, habang nakatapat ni Willie Miller si Jerramy King.

Magaan na tinalo ni Herndon si Egea, habang nangailangan si Miller ng diskarte at karanasan para malusutan ang matikas na si King para makausad sa finals. 

“I figured I made it this far and that it would suck to lose. [Willie Miller] was a good opponent. And it feels awesome to represent the Philippines like this,” pahayag ng 22-anyos na si Herndon.

 Bunsod ng panalo, kakatawanin niya ang bansa sa Red Bull King of the Rock World Championships na gaganapin sa Agosto sa Istanbul, Turkey.