Anumang oras ngayon ay maaaring tumanggap ang Pilipinas ng travel health notice mula sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ayon kay Health Secretary Janette Loretto-Garin.
“It’s expected to come kasi nakita, andidito siya, eh,” sinabi ni Garin sa Orientation Meeting on Zika Virus for Medical Societies nitong Biyernes.
Batay sa pakahulugan ng CDC, dinisenyo ang mga travel notice upang ipaalam sa mga biyahero at clinician ang tungkol sa mga bagong usaping pangkalusugan na may kaugnayan sa mga tiyak na destinasyon. Ang mga isyung ito ay maaaring bunsod ng mga outbreak ng sakit, special event o pagtitipon, mga kalamidad, o iba pang kondisyon na maaaring makaapekto sa kalusugan ng mga manlalakbay.
“In relations to Zika, CDC has already issued travel alerts to 37 countries,” sabi ni Dr. Gerardo Medina, technical officer ng World Health Organization-Philippines. Kabilang sa mga ito ang Brazil, Colombia, Bonaire, Bolivia, Aruba, Barbados, at Costa Rica.
Inihayag na may tatlong antas ng travel health notice at ang lahat ng bansa na nakatanggap ng advisory dahil sa Zika ay nasa level 2.
“The level 1, the advice to the travelers is to exercise the visit precautions. In relation to Zika, this may include protect yourself against mosquito bites. Level 2, which is ‘alert’. The travel health notices issued by CDC in relation to Zika are all level 2 alert notices. Level 3, travelers are advised to avoid all non-essential travels,” paliwanag ni Medina.
Kaugnay nito, nagpaalala si Garin sa mga lalaking pasyente ng Zika virus na nananatili sa semilya ang virus ng hanggang walong buwan.
Dahil dito, pinapayuhan niya ang pasyente ng Zika na gumamit ng condom kapag nakikipagtalik.
“Mahahawa ‘yung babae then it becomes an active infection. Parang natutulog siya [virus] muna sa semen,” paliwanag ni Garin. (Charina Clarisse L. Echaluce)