BACOOR, Cavite – Nadakip nitong Biyernes ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isa sa mga suspek sa pananambang noong Nobyembre kay Malolos City Judge Wilfredo Nieves, sa ikinasang operasyon sa Bahayang Pag-asa, Barangay Molino, sa siyudad na ito.
Naaresto si Jay Joson, 29, ng San Jose Del Monte City, Bulacan, dakong 2:00 ng umaga nitong Biyernes ng grupo ng awtoridad na nakatunton sa kanya sa Prime Global Hospital.
Kasama ang Cavite Police Provincial Office, dinakip si Joson matapos isagawa ang CIDG ang surveillance.
Tinukoy ng CIDG si Joson bilang isa sa mga suspek sa pamamaril at pagpatay kay Bulacan Regional Trial Court Branch 84 Judge Nieves sa MacArthur Highway sa Bgy. Tikay, Malolos City, Bulacan.
Nobyembre 11 noong nakaraang taon, minamaneho ni Nieves ang kanyang Toyota Fortuner nang pagbabarilin siya ng mga suspek, na sakay sa isang sasakyan at isang motorsiklo.
Ayon sa report, si Joson umano ay driver ng pangunahing suspek na si Arnel Janoras.
Una nang naaresto si Janoras noong Nobyembre ngunit napatay matapos umano niyang agawan ng baril ang isa sa mga police escort habang patungo sila sa korte.
Sinabi pa sa report na inamin ni Janoras na inupahan siya ni Raymond Dominguez upang patayin si Nieves.
Si Nieves ang hukom na humatol kay Dominguez ng 30 taong pagkakakulong sa kasong carjacking. (Anthony Giron)