ANG Semana Santa ay malaking bahagi ng ating buhay bilang isang bansa, na magsisimula sa Linggo ng Palaspas ngayon, at magtatapos sa Linggo ng Pagkabuhay. Mistulang lahat ng ating nakasanayang aktibidad—trabaho sa karamihan ng mga tanggapan ng gobyerno at mga pribadong opisina, klase sa eskuwelahan, transaksiyon sa mga bangko, kalakalan sa mga shopping mall at iba pang establisimyento, aktibidad sa sports, at maging ang pangangampanya para sa eleksiyon—ay suspendido sa panahong ito. Sisimulan na rin ng mga taga-Metro Manila ang kanilang taunang pag-uwi sa mga lalawigan sakay ng pampasaherong bus o pribadong sasakyan, barko, at eroplano, kaya naman pagsapit ng Huwebes Santo ay nakakapanibago ang aliwalas at luwag ng karaniwan nang siksikang mga kalsada sa Metro Manila.
Ngayong Linggo, magbibitbit ang mga Katoliko ng palaspas sa pagtungo nila sa mga simbahan upang magpabendisyon ng mga ito. Sa maraming bayan, nagsimula na rin ang pag-awit ng Pabasa. Ang mga karaniwang programa sa mga radyo at telebisyon ay pinalitan ng malalamyos na musika at mga pelikulang relihiyoso. Sa Huwebes Santo, sunud-sunod na bibisitahin ng publiko ang ilang simbahan para sa “Visita Iglesia” at dadalo sa misa para sa Huling Hapunan ng Panginoon, gayundin sa Paghuhugas ng mga Paa. Sa mga simbahang Evangelical, mayroon namang Banal na Komunyon.
Ginugunita naman ang Biyernes Santo sa mga sermon tungkol sa Pitong Huling Salita ni Kristo sa krus. Sa maraming bayan, partikular na sa Pampanga, Bulacan, at Nueva Ecija, hinahampas ng mga nagpepenitensiya ang kanilang likuran hanggang sa magdugo ang mga ito, habang ang ilan naman ay aktuwal na nagpapapako sa krus bilang pagsasadula sa nangyaring pagpapako sa krus kay Kristo. Tuwing Sabado de Gloria, naghahanda ang mga Pilipino para sa magdamagang vigil hanggang sa Salubong sa ganap na 4:00 ng umaga ng Linggo, o ang pagsasalubong ng prusisyon sa simbahan ng mga imahen ng Kristo ng Pagkabuhay at ng kanyang inang si Maria na natatakluban ng itim na tela bilang simbolo ng pagluluksa. Dumadalo naman ang ilang Kristiyano sa misa para sa Linggo ng Pagkabuhay sa mga bukas na lugar.
Noon pa lamang Miyerkules de Ceniza nitong Pebrero 10 ay nanawagan na si Pope Francis sa mga Kristiyano na isabuhay ang kanilang pananampalataya ngayong Semana Santa sa pamamagitan ng mga gawang nagpapamalas ng awa sa lahat ng nangangailangan nito. Sa Taon ng Awa na ito, ayon sa Santo Papa, ang pananampalataya ay dapat na ipakita sa araw-araw na mabubuting gawain, gaya ng pagtulong sa kapitbahay, pagpapakain sa nagugutom, pagbisita sa may sakit, pagtanggap sa mga estranghero, pagtuturo, at pagdamay. Ang ugat ng lahat ng kasalanan, aniya, ay ang ituring ang sarili bilang diyos, kadalasang ipinamamalas sa pagkakamal ng salapi at pag-angkin ng kapangyarihan. May kaparehong panganib ang sistema ng lipunan at pulitika, dagdag ni Pope Francis.
Mismong ang ating si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ay nanawagan sa mga mananampalataya na tumulong sa pagpapakain sa mga batang nagugutom bilang pagkakawanggawa sa Taon ng Awa na ito. Sa kanyang pastoral letter para sa Miyerkules de Ceniza, umapela siya ng donasyon para sa “Hapag-Asa”, ang feeding program ng Simbahan para sa mga batang kulang sa nutrisyon.
Sa Semana Santa sa Taon ng Awa na ito, habang nakikibahagi ang mga Pilipinong Kristiyano sa mga tradisyunal na aktibidad sa panahong gaya nito—mula sa ritwal ng Palaspas, hanggang sa Pabasa, sa Visita Iglesia at Huling Hapunan, sa Pitong Huling Salita, sa Salubong at sa misa para sa Linggo ng Pagkabuhay—dapat na pakaisipin ang panawagan ni Pope Francis na magpamalas ng pananampalataya sa pagpapakita ng awa at pagtulong sa mga pinakanangangailangan nito.