LIMANG taon na walang puyatang taping si Regine Velasquez-Alcasid,kaya ngayong balik-trabaho siya sa Poor Señorita inamin niyang medyo nag-aadjust pa rin siya sa taping hours niya.
Ilang oras siyang nagti-taping?
“Hindi pa uso ang cut-off, may cut-off na ako, hanggang 12:00 midnight,” sagot ni Regine. “At ganoon pa rin ang cut-off ko ngayon, unless may isang eksanang kailangan kong tapusin, pinakikiusapan nila ako at naiintindihan ko naman iyon. Pero strick na ako sa cut-off ko talaga. Kapag natapos ang taping ko ng 12:00 midnight, usually nakakarating ako ng house namin ng 1:00 AM, nakakatulog ako 2:00 AM na kaya may enough time lang ako para gumising sa susunod ko namang schedule.
“Meron kasi akong migraine, kaya hindi ako puwedeng mapuyat. Noong nag-give birth ako kay Nate, hindi na ako nakakaramdam ng migraine at hilo. Kaya ngayon, iniiwasan ko talagang mapuyat. Pagdating ko sa set, naka-make-up na ako kaya buhok ko na lang ang aayusin sa akin.
“Hanggang maaari gusto ko ring mauna na akong kunan para hindi ko na rin inaabala ang mga kasama ko. Maganda naman na minsan hindi pa kami inaabot ng 12:00 midnight, dahil si Direk Dom (Zapata), hindi rin niya p’wedeng puyatin ang mga bagets na kasama namin, aawayin siya ng mga parents nila,” nagbibirong sabi ni Regine. “Happy set kami dahil nga mga bata ang kasama namin.”
Gumaganap si Regine sa Poor Señorita bilang heiress to a perfume company, istrikta at perfectionist, pero may pusong boss. Pagpapalago ng business ang inuna niya lalo na nang mamatay ang kanyang ama, walang boyfriend, pero deep inside, gusto rin niyang may magmahal sa kanya. Bigla siyang naghirap sa story. Hindi ba siya nahirapan sa pagbabago ng character niya?
“Hindi naman, kasi nang malaman ko na ganito ang gagawin namin, ipinauna ko na sa GMA-7 na ayaw kong maging too loud ang character ko, gusto ko refined pero animated. Mabuti naman at iyon din pala ang gusto nilang role na gampanan ko. Kaya naman hindi ako nahirapan na mula sa mayaman, naging mahirap ako. I guess, siguro dahil nagsimula rin akong mahirap lang hanggang sa makaluwag-luwag, pero iyong pagiging mahirap ko noon, hindi iyon mawawala sa akin.”
Laging romantic-comedy ang ginagawa ni Regine, movie man o TV series, bakit ayaw niyang mag-drama?
“Hindi naman sa ayaw kong magdrama, kakayanin ko naman siguro, pero hindi ako comfortable kasi baka hindi ko naman magampanan nang mahusay.Kahit nga ang asawa ko, sabi niya bakit ayaw ko ng drama, mas mahirap daw magpatawa. Pero sabi ko sa kanya, mas comfortable ako talaga sa comedy, okey lang ‘yong paisa-isang eksenang drama, I don’t mind naman if I look ugly sa character ko, basta alam kong nagawa ko ang gusto ng director at ng televiewers, okey na sa akin iyon.”
Sa March 28 (Lunes) na mapapanood ang pilot episode ng Poor Señorita pagkatapos ng 24 Oras. Bago at first time niyang makakatrabaho ang leading man niya, si Mikael Daez. Kasama rin nila si Sheena Halili at ang runner-up ng Starstruck 6 na sina Ayra Mariano at Elyson de Dios na personal choice ni Regine. (NORA CALDERON)