Dahil obligadong mag-imprenta ng voter’s receipt, posibleng 6:00 ng umaga pa lang ay magsimula na ang botohan sa Mayo 9.

“We are looking into the possibility of earlier start of voting, probably 6 a.m.,” sabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista. “We want to take advantage of the light. As much as possible, we want voting to be finished while there is still daylight.”

Ikinokonsidera rin ng Comelec na tapusin ang botohan sa ganap na 6:00 ng gabi.

Ang halalan sa Pilipinas ay isinasagawa mula 7:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Gayunman, nilinaw ni Bautista na kung kinakailangan ay maaari pa nilang palawigin ang oras ng botohan sa Mayo 9.

Sinabi rin ni Bautista na sinimulan na ng Comelec ang paghahanda sa pag-iimprenta ng simpleng voter’s receipt matapos na tuluyang ibasura ng Korte Suprema ang mosyon ng komisyon laban dito.

Aniya, bibili ang Comelec ng nasa 100,000 round edge scissors dahil ang cutter na nasa vote counting machine (VCM) ay hindi heavy duty at ang puwersahang pagpunit sa resibo ay maaaring magresulta sa paper jam.

Sisimulan na rin ng Comelec ang public bidding para sa halos 93,000 kahon o receptacle na paglalagyan ng resibo at ipupuwesto sa bawat clustered precinct.

Naglaan ang Comelec ng budget na P12 sa kada gunting, P85.8 million o P78 kada rolyo para sa thermal paper, at P300 para sa receptacle. (LESLIE ANN G. AQUINO)