Natapos na rin ang maliligayang araw ng tinaguriang “shabu queen” sa Quezon City matapos mabawi sa kanya ang P5-milyon halaga ng droga sa buy-bust operation sa Balintawak area, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Edgardo G. Tinio ang suspek na si Rose Marie Gabunada, 36, tubong Iligan City, at residente ng No. 1198 Kahilom 2, Pandacan, Manila.
Si Gabunada, na sinasabing madulas sa batas, ay itinuturong miyembro ng kilabot na “Kyaw” drug syndicate na may operasyon sa Mindanao at Metro Manila.
Dakong 4:30 ng umaga nang ilatag ng District Anti-Illegal Drugs- Special Operation Task Group (DAID-SOTG) ang entrapment laban sa suspek sa hideout nito sa Barangay Balingasa, Balintawak.
Bukod sa isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P5 milyon, nakumpiska rin mula kay Gabunada ang iba’t ibang drug paraphernalia, isang cell phone, at P400,000 cash na ginamit sa bentahan ng shabu sa police agent.
Nakapiit ngayon si Gabunada sa detention cell ng QCPD sa Camp Karingal habang nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Jun Fabon)