LOS ANGELES (AP) — Namaalam na si Larry Drake, na umani ng back-to-back Emmy Awards para sa kanyang natatanging pagganap sa mentally challenged character na si Benny Stulwicz sa L.A. Law. Siya ay 66.
Natagpuan ng isang kaibigan ang bangkay ni Drake nitong Huwebes sa kanyang tahanan sa Los Angeles, ayon kay Charles Edward Pogue, isa rin sa mga matalik na kaibigan ni Drake.
Hindi pa natutukoy ang sanhi ng pagkamatay ni Drake. Nagkaroon ng problema sa kalusugan ang aktor dahil sa kanyang timbang, ayon kay Steven Siebert, ang manager ni Drake sa loob ng 30 taon.
Malaki ang naiambag ni Drake sa mundo ng telebisyon, pelikula at entablado, kabilang na rito ang Darkman.
Nakatanggap siya ng Emmys noong 1988 at 1989 sa pagganap bilang office worker na si Benny sa L.A. Law drama series.
Sa kanyang panayam sa The Associated Press noong 1989, sinabi ni Drake na hindi niya ginampanan ang nasabing papel para manggaya kundi bilang isang lalaki na punumpuno ng emosyon.
“And that seems to surprise people — that (such) characters can feel as much as they feel, and note as much as they note,” aniya.
Inilarawan ni Pogue ang kanyang kaibigang si Drake bilang “one of a kind” at malayo ang tunay na ugali mula sa mga papel na ginagampanan.
“He was very learned, well-read and intellectual,” sinabi ni Pogue, idinagdag na si Drake ay matalino, mahilig magkuwento at laging huling umaalis sa mga party.
Si Drake, nagtapos sa University of Oklahoma, ay nagtuturo rin sa pag-arte, ayon kay Siebert.