ISULAN, Sultan Kudarat – Habang nagpapatuloy ang dredging project sa Salibo, Maguindanao ay manaka-naka ring nagkakapalitan ng putok ang militar at mga armado na tumututol sa nasabing proyekto sa lugar.

Pinaniniwalaang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasabing mga armado.

Sa panayam kay Ltc Ricky Bunayog, pinuno ng 33rd Infantry Battalion ng Army, sinabi niyang sa pagsasagawa ng mga operasyon sa lugar ay nakita niya ang potensiyal nito, at hindi maikakailang napakarami ng likas na yaman na maaaring i-develop para mapakinabangan ng mga residente.

Napansin din ni Bunayog ang aniya’y kakulangan sa edukasyon ng kabataan at kakapusan sa programang pangkabuhayan sa lugar, habang nangingibabaw naman ang kultura ng karahasan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Aniya, mistula ring walang silbi ang anumang pamumuno sa lugar, dahil nasanay na ang mga taong mamuhay sa lihis na paraan at tanging ang kapangyarihan ng mga armas ang pinaniniwalaan.

“Nakapanghihinayang ang mga buhay na malaon nang nalalagas sa isang labanang hindi naman dapat na mangyari,” sabi ni Bunayog.

Dagdag pa niya, wala rin siyang nakikitang barangay hall man lang sa lugar, at hindi rin mahagilap ng militar ang kahit isang opisyal ng barangay. (Leo P. Diaz)