ISA sa mga kaibigan ko, si Atty. Braulio Tansinsin, ay minsang nagbahagi ng kanyang pananaw sa Semana Santa. Aniya, “Halos tatlong dekada na ang nakalilipas, tuwing Mahal na Araw ay nagsasagawa ng prusisyon sa mga pangunahing kalsada sa Pasay City kung saan maging ang mga adik, isnatser, magnanakaw at mamamatay tao ay nakikiisa.
“Madalas nating gawing biro na kasalanan ng mga pari at obispo dahil sa loob ng 55 linggo kada taon, isang linggo lamang ang MAHAL NA ARAW at ang ibang linggo ay hindi na banal.
“Siguro nga’y panahon na para baguhin ang katagang Holy Week at gawin itong ‘Holiest Week’ o Pinakamahal na Araw o ‘”Santisima Semana’ upang hindi isipin ng maraming Kristiyano at ng mga kriminal na kahit ang araw ng Pasko ay hindi banal.”
Ngayong kapistahan ng Linggo ng Palaspas, naabot na natin ang pinakasagradong parte ng kalendaryo ng Simbahan—ang Holy Week o sa Tagalog ay Mahal na Araw.
Oo nga pala, ito ay tinawag na “Mahal” hindi dahil sa presyo ng gasolina at iba pang bilihin na nagsipagtaasan kundi dahil sa walang-kapantay na pagmamahal ni Hesus na inialay ang kanyang buhay upang tayo ay iligtas mula sa mga kasalanan.
Sa kasamaang palad, ito ay hindi na gaanong nabibigyang halaga.
Halimbawa, marami ang nag-aabang sa pagdating ng Mahal na Araw para magbakasyon sa Baguio, Tagaytay, o sa mga beach resort upang labanan ang init ng panahon.
Ang iba naman inilalaan ang araw para sa pagsusugal, o mas masama pa, paghithit ng droga!
Parte na ng Mahal na Araw ang pagpapahinga at bakasyon, ngunit huwag na huwag nating kalilimutang maglaan ng panahon sa pananalangin, pagninilay-nilay at pag-aayuno. Isang paraan nito ay ang pakikiisa sa mga aktibidad sa simbahan o kaya’y sa recollection ng inyong simbahan.
PAGPAPAKO SA KRUS? Ang pagpapasakit sarili, penitesya, pagbubuhat at pagpapako sa krus ay tinututulan ng simbahan.
Dahil ito ay ginagawa sa harap ng maraming tao, hindi na nagiging makatotohanan at hindi nagiging taos sa puso ang pagsisisi.
Sa ilang mga lugar na nagsasagawa nito ay binabayaran ang mga nagpapapako at nagpepenitensya. Ano ‘yon “talent fee”?
Ilan sa mga mas epektibong paraan ng pagsisisi ay ang pag-aayuno, tumulong sa iba na walang hinihinging kapalit, o pakikipag-ayos sa iyong mga kaaway. (Fr. Bel San Luis, SVD)