Dylan copy

NASUGATAN ang Maze Runner star na si Dylan O’Brien sa set ng pinakabago niyang pelikula kaya pansamantalang natigil ang shooting hanggang sa siya ay gumaling, sinabi ng movie studio na 20th Century Fox nitong Biyernes.

Isinugod si O’Brien, 24, sa isang ospital sa Vancouver, Canada, para maobserbahan at malapatan ng paunang lunas, ayon sa pahayag ng Fox.

Ayon sa Hollywood trade publication na Variety at sa celebrity website na TMZ, nabundol ng kotse si O’Brien at nagtamo ng mga sugat habang kinukuhanan ang ilang eksena ng Maze Runner: The Death Cure, sa Vancouver.

Human-Interest

ALAMIN: Ang 2025 sa ilalim ng Year of the Wooden Snake

Tumangging magbigay ng komento ang Fox kaugnay ng pinsalang natamo ni O’Brien.

“Production on the film will be shut down while he recovers. Our thoughts go out to Dylan for a full and speedy recovery,” ayon sa Fox.

Ipinahayag naman ni James Dashner, awtor ng Maze Runner young adult novels, sa Twitter nitong Biyernes na, “Dylan was hurt, but that he is going to be okay. Not life threatening in any way.” Idinagdag niya na ang production ay pansamantalang itinigil ngunit hindi ito kanselado.

Iniulat naman ng TMZ na nabalian ng mga buto si O’Brien.

Nakatakdang ipalabas ang Maze Runner: The Death Cure sa Pebrero 2017.

Ang una sa dalawang parte ng pelikula, ipinalabas noong 2014 at 2015, ay kumita ng $660 million sa global box office at kinilala si O’Brien bilang isa sa hottest young movie stars ngayon.

Unang sumikat si O’Brien sa YouTube, 10 taon na ang nakalilipas, sa pagbabahagi niya ng kanyang mga video. Nagbida rin siya sa MTV series na Teen Wolf. (Reuters)