Bagamat nauunawaang makabubuti ang Kto12 program sa paglikha ng trabaho sa bansa, iginiit ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi maaaring pabayaan na lang ng gobyerno ang mga gurong mawawalan ng trabaho dahil dito.

Ayon kay CBCP-Permanent Commission on Public Affairs chairman at Lipa Archbishop Ramon Arguelles, hindi maaaring isakripisyo at pabayaan na lang ang mga gurong mawawalan ng trabaho at ang mga magulang na baon na sa utang makapagkolehiyo lang ang kanilang mga anak.

“Hindi lahat mapagbibigyan, pero kung talagang development ‘yan, makabubuti. There are some sacrifices needed in terms of workforce pero hindi dapat pabayaan sila (mga guro). Dapat maging useful pa rin sila at may kikitain pa rin sila, hindi ‘yung basta aalisin. They have the right naman na magkaroon pa rin sila ng income. Mga magulang, pinakinggan ba sila?” pahayag ni Arguelles sa panayam ng Radyo Veritas.

Batay sa datos ng Council of Teachers and Staff Colleges and Universities of the Philippines (COTESCUP) mula sa Commission on Higher Education (CHEd), aabot sa 23,000 guro at non-academic personnel ang mawawalan ng trabaho, ngunit naniniwala ang COTESCUP na mas malaki pa sa nabanggit na bilang ang maaapektuhan ng Kto12. (Mary Ann Santiago)

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3