Sa pangalawang pagkakataon, muling kinilala ang husay at paglilingkod ni San Ildefonso, Bulacan Mayor Gerald Galvez matapos siyang gawaran ng Most Outstanding Mayor Award ng Superbrands Marketing International (SMI) nitong Marso 16, sa Makati City.
Ayon sa SMI, pinararangalan ng kumpanya ang mga opisyal ng gobyerno na may malaking kontribusyon sa pagpapaunlad sa bayan at nagsisilbing mahusay na ehemplo sa iba pang lingkod-bayan.
Bukod sa pagiging “action man” sa pagbibigay ng mahusay na serbisyong pangkalusugan, kinilala rin si Galvez dahil sa kanyang isinusulong na mga proyekto na nakatutulong sa libu-libong taga-San Ildefonso. Kabilang sa mga ito ang tulong pinansyal para sa mga senior citizen, scholarship, proyektong imprastruktura, tulong pangkabuhayan, at pagkakaroon ng kooperatiba para sa mga magsasaka.
“Ito po ay isang malaking karangalan para sa akin at sa aming bayan ng San Ildefonso dahil ito ay pagpapatunay na kinikilala ng sambayanan ang mga pagbabago at programang naglalayon ng kaunlaran sa bayan at sa pamayanan. Ang parangal na ito ay nagsisilbing daan upang ipagpatuloy ko ang aking mga simulain para sa kaayusan ng ating bayan.
Ako po ay nagpursige at isinabuhay ang aking tungkulin bilang ama sa aking nasasakupan,” ani Galvez.
Idinagdag pa ng alkalde na sa kabila ng mga pambabatikos kaugnay ng pulitika, hindi ito magiging hadlang sa patuloy niyang paglilingkod sa ikauunlad ng San Ildefonso. (Omar Padilla)