Siyam na tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang tinukoy ng kawanihan na akusado sa pananakit sa mga bilanggong nagsagawa ng noise barrage sa Makati City Jail nitong Marso 9.
Sa pamamagitan ng Directorate for Investigation and Prosecution (DIP) nito, inilabas ng BJMP ang resulta ng imbestigasyon nito na nagkumpirmang nilabag nina Insp. Adelo Natividad, SJO1 Arvinio Tan, JO2 Richard Mostales, JO1 Norly Sadular, JO1 Boulzy de Guzman, JO1 Miguel Turaray III, JO1 Gerald Alladin, JO1 Roldan Penton, at JO1 Benito Begeueras ang standard operating procedure (SOP) sa noise barrage.
Sinabi ng BJMP Community Relations Service (CRS) na nakakuha sila ng mga video na nagpapakita sa mga nabanggit na tauhan ng kawanihan habang pinaghahahampas ng batuta ang mga bilanggo kahit pa nakaupo at nakayuko na ang mga ito.
Iginiit naman ng mga akusado na pinagmumura at binantaan umano sila ng mga bilanggo kaya sinaktan nila ang mga ito.
Sasampahan ng kasong misconduct ang siyam na tauhan ng BJMP, ayon sa CRS. Na-relieve na sa puwesto ang mga ito, at kung mapatutunayang nagkasala ay posibleng tuluyang masuspinde.
May hiwalay na imbestigasyon sa insidente ang Department of Interior and Local Government at Commission on Human Rights. (Czarina Nicole O. Ong)