Apat na katao, na pinaghihinalaang miyembro ng isang sindikato na namemeke ng bank card at nagkakabit ng skimming device sa mga automated teller machine (ATM), ang bumagsak sa kamay ng pulisya makaraang salakayin ang kanilang hideout sa Pasay City, kahapon.

Sinabi ni Director Victor Deona, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na nakumpiska ng kanyang mga tauhan mula sa apat na suspek ang 50 pekeng identification card, bank card, at skimming device na ginagamit ng sindikato sa pagkuha ng impormasyon sa mga credit card at ATM.

Kinilala ang mga naaresto na sina Julina Marvin Pangan, Aryl Deloso, Andrew Diaz, at James Zaide.

Ayon kay Deona, target sana ng kanilang operasyon sa Barangay 18, Zone 2, Pasay City, ang lider at mga miyembro ng “Marasigan” group na itinuturong responsable sa serye ng panghoholdap at pagnanakaw sa Pasay City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Subalit nang maaresto ang apat na miyembro ng grupo, nadiskubre nila na sangkot din ang mga ito sa credit card at ATM fraud.

Naniniwala si Senior Supt. Bowen Joey Masauding, hepe ng CIDG Anti-Fraud Commercial Crimes, na mahigit isang taon nang sangkot ang apat sa naturang modus na kumikilos hindi lang sa Pasay kundi maging sa Makati City.

(Aaron Recuenco)