Nasa 16 magpepenitensiya ang ipapako sa krus sa tatlong kilalang crucifixion site sa City of San Fernando sa Pampanga, para sa “Maleldo”, sa Biyernes Santo, Marso 25.

Labindalawa ang inaasahang magpapapako sa Barangay San Pedro Cutud, at tatlo sa Bgy. San Juan, at tatlo pa sa Bgy. Sta. Lucia, ayon kay Bob Velez.

Si Velez, 77, ng Bgy. San Pedro Cutud, ay isa sa pinakamatatandang nagpepenitensiya sa pagganap bilang “Kristo”.

Naging panata na niya ang pagpapapako sa krus sa nakalipas na 37 taon sa Cutud.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ngayong taon, ayon kay Velez, hindi na pahihintulutan ang sinumang dayuhan na magpapako sa krus “upang mapanatili ang kabanalan ng ritual rites.”

“Hindi naman kasi circus ang panata. Iniiwasan na natin ‘yung nangyari dati na nagmukhang pelikula at nawala ‘yung diwa ng pamamanata,’’ paliwanag ni Velez.

Gayunman, nilinaw ni City Mayor Edwin Santiago na hindi pinagbabawalan ang mga dayuhang turista na makibahagi sa Maleldo o Kuwaresma.

“Kailangan lang nilang dumaan sa striktong screening para masigurado rin ang kanilang kaligtasan,” ani Santiago.

Nasa 300 pulis, tauhan ng barangay, at traffic enforcers ang ipakakalat upang matiyak ang seguridad sa iba’t ibang lugar na pagdarausan ng pagpapako sa krus, bukod pa ito sa mga bubuksang medical action center, kumpleto sa mga nakahandang police mobile patrol at ambulansiya. (FRANCO C. REGALA)