MARAMING dahilan kaya masusing nakasubaybay ang mga Pilipino sa mga nangyayari kaugnay ng eleksiyon sa United States. Isa sa mga ito ay dahil may malaking populasyon ang mga Filipino-American sa United States ngayon at bibihirang pamilya sa bansa ang walang kahit isang miyembro na sa Amerika nagtatrabaho o naninirahan. Nakare-relate rin tayo sa sistema ng pulitika sa Amerika, sa malaya nitong talakayan sa mga usapin gaya ng ginagawa sa mga presidential debate, sa mga town hall meeting, at sa malalaking rally at kombensiyon, na ginagawa na rin natin ngayon sa mga kampanya para sa eleksiyon sa sarili nating bansa.

Nakadidismayang mabasa ang tungkol sa nangyaring karahasan sa isang rally sa Chicago, Illinois, noong Biyernes ng nakalipas na linggo, matapos na magpang-abot ang mga tagasuporta at kumokontra sa Republican presidential contender na si Donald Trump, kaya napilitan ang huli na kanselahin ang pagtitipon. Nang sumunod na araw sa Dayton, Ohio, pinalibutan ng mga tauhan ng Secret Service si Trump nang tinangka ng isang lalaki na umakyat sa entablado. Gumamit ang mga pulis ng pepper spray sa mga raliyistang kontra kay Trump sa Kansas City, Missouri. Nakapagtala rin ng karahasan sa iba pang rally at inakusahan ni Trump ang mga tagasuporta ng Democratic aspirant na si Bernie Sanders ng panghihimasok sa kanyang mga rally; nagbanta siyang pasusugurin din ang sarili niyang mga militante sa mga rally ni Sanders.

Kilala si Trump sa paggamit ng matitinding salita na hindi karaniwang ginagamit sa mga political rally; at may pagkakataong tinawag niya ng “liar” ang pangunahin niyang katunggali para sa nominasyong Republican. Sa harap ng magkakasunod na insidente ng karahasan sa mga political rally, minabuti ni President Barack Obama na manawagan sa lahat ng kandidato “[to] reject insulting language and violence against other Americans.”

Nitong Martes, bumoto ang mga Amerikano sa mga primary sa limang malalaking estado—ang Florida, Illinois, Missouri, North Carolina, at Ohio. Sinementuhan ni Trump ang pangunguna niya sa Republican Party sa tagumpay na natamo niya sa apat na estado, habang nanalo naman si Hillary Clinton sa lahat ng limang estado at nanatiling frontrunner sa mga Democrat. Bilang tugon sa mga ulat na kumikilos ang mga opisyal ng Republican party upang hindi ibigay sa kanya ang nominasyon kung hindi niya makukuha ang kinakailangang 1,237 boto, nagbabala si Trump na sisiklab ang mga rambulan.

Habang sinusubaybayan natin ang kampanyahan sa Amerika, umasa tayong maglaho na ang pangamba sa karahasan sa mga rally at maihahalal sa eleksiyon sa Nobyembre 8 ang karapat-dapat na humalili kay President Obama. Ang ating sariling eleksiyong pampanguluhan sa Mayo 9, kulang ng dalawang buwan na lang mula ngayon, ay nagbunsod na ng mga pagsasampa ng iba’t ibang kaso at kontra asunto, ngunit wala namang karahasang pisikal sa ating mga political rally, at ipanalangin natin hindi ito mangyari, dahil agaran itong hahantong sa mga patayan, gaya ng nangyari sa nakalipas na mga halalan sa Pilipinas.