WASHINGTON (Reuters) – Namataan ng United States ang panibagong aktibidad ng mga Chinese sa paligid ng isang bahura na inagaw ng China mula sa Pilipinas halos apat na taon na ang nakalipas na posibleng maging simula ng mas marami pang land reclamation sa pinagtatalunang South China Sea, inihayag ng hepe ng U.S. Navy nitong Huwebes.

Nagpahayag ng pagkabahala si U.S. naval operations, Admiral John Richardson, na ang inaasahang desisyon ng international court sa mga susunod na linggo sa kasong inihain ng Pilipinas laban sa China kaugnay sa mga pag-aangkin sa South China Sea ay maaaring magtulak sa Beijing na magdeklara ng exclusion zone sa abalang ruta ng kalakal.

Sinabi ni Richardson sa Reuters na tinitimbang ng United States ang magiging tugon nito sa mga posibleng hakbang ng China.

Ayon sa kanya, namataan ng U.S. military ang aktibidad ng mga Chinese sa Scarborough Shoal sa hilagang bahagi ng kapuluan ng Spratly, may 125 milya (200 km) mula sa kanluran ng Subic Bay ng Pilipinas.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

“I think we see some surface ship activity and those sorts of things, survey type of activity, going on. That’s an area of concern ... a next possible area of reclamation,” aniya.

Sinabi ni Richardson na hindi pa malinaw kung ang aktibidad malapit sa bahura, na inagaw ng China noong 2012, ay may kaugnayan sa nakabimbin na desisyon sa arbitration.

Sinabi niya na ang pagpupursige ng China sa territoryo sa South China Sea, na kinabibilangan ng malawakang land reclamation para gumawa ng mga artipisyal na isla sa Spratlys, ay nagbabantang babaguhin ang ilang dekada nang open access at magpakilala ng bagong “rules” na nag-oobliga sa mga bansa na kumuha ng permiso bago makadaan sa bahaging ito ng karagatan.

Sinabi niya na nakababahala ito dahil 30 porsiyento ng mga kalakal ng mundo ay dumaraan sa rehiyon.

Nang tanungin kung maaaring tumugon ang China sa desisyon ng court of arbitration sa The Hague sa pagdedeklara ng air defense identification zone (ADIZ), katulad ng ginawa nito sa East China Sea noong 2013, sumagot si Richardson na: “It’s definitely a concern.”

“We will just have to see what happens,” aniya. “We think about contingencies and … responses.”

Inihayag ni Richardson na binabalak ng United States na magpatuloy sa pagsasagawa ng freedom-of-navigation exercises sa loob ng 12 nautical miles sa pinagtatalunang South China Sea geographical features upang bigyang-diin ang mga pag-aalala nito na mapanatiling bukas ang sea lanes sa rehiyon.