Taliwas sa pangamba ng Commission on Elections (Comelec) na hindi maparurusahan ang mga mag-uuwi ng voter’s receipt sa eleksiyon sa Mayo 9, binigyang-diin ng Korte Suprema na maituturing itong isang election offense, batay sa Omnibus Election Code.

Sa 11-pahinang resolusyon ng Korte Suprema, tinukoy nito na sa ilalim ng Section 261 ng Article 22 ng Omnibus Election Code, kasama sa ipinagbabawal ang pagsira at pagkuha sa alinmang election form, document at ballot box na naglalaman ng balota o iba pang dokumento na ginagamit sa eleksiyon.

Ayon sa kataas-taasang hukuman, ang voter’s receipt ay isang opisyal na election document o election paraphernalia, kaya may sapat umanong kapangyarihan ang Comelec para atasan ang Board of Election Inspectors na magkaroon ng legal custody sa mga voter’s receipt matapos itong inspeksiyunin ng botante, o iutos ang pagdedeposito ng resibo sa mga lumang ballot box o sa alinmang itinakda ng komisyon para rito.

Ang sinumang mag-uuwi ng voter’s receipt ay mananagot, alinsunod sa Omnibus Election Code.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, maaaring ipatupad ng Comelec ang karagdagang security features sa voter’s receipt sa mga susunod na eleksiyon, ngunit sa halalan ngayong taon ay “simple receipts” lang ang gagamitin upang maidaos ang botohan sa Mayo 9.

“It was Justice (Francis) Jardeleza, who referred to its as a simple receipt. So this is what we will follow. There will be a simple receipt which the VCM (vote counting machine) can do right now,” sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista kasunod ng pagbasura ng Supreme Court (SC) sa apela ng komisyon laban sa pag-iimprenta ng voter’s receipt.

Nilinaw ng Comelec na dahil walang security feature, ang resibo ay isa lamang simpleng papel “[to] give comfort to the voters that their voters were counted” ng VCM. Hindi ito maaaring gamiting ebidensiya sa electoral protest.

Paliwanag ni Bautista, ang pag-iimprenta ng security feature sa voter’s receipt ay mag-oobliga sa kanilang baguhin ang source code ng mga VCM, na magbubunsod upang ipagpaliban nila ng eleksiyon sa Mayo 9.

“Ang mangyayari ay isusubo mo ang balota sa makina, makikita ang onscreen verification ng 15 seconds. Pagkatapos, ipi-print na ang resibo at nandun nakasulat ang Republic of the Philippines at Comelec. Wala nang precinct number at hash code o anumang security feature,” sabi ni Bautista. (BETH CAMIA at SAMUEL MEDENILLA)