IKA-19 ngayon ng mainit na buwan ng Marso, isang ordinaryong araw ng Sabado. Ngunit para sa mga Kristiyanong Katoliko at batay sa kalendaryo ng Simbahan, ipinagdiriwang ngayon ang kapistahan ni San Jose—ang kinikilalang ama-amahan ng Dakilang Mananakop, ang patron ng mga manggagawa at mabubuting ama ng tahanan. Sinasabi rin na si San Jose ang patron saint ng magandang kamatayan.

Bilang pagpapahalaga, ang pagdiriwang ng kapistahan ni San Jose ay sinimulan ng nobena sa mga simbahan noong Marso 10. At ngayong araw ng kanyang kapistahan, magkakaroon ng misa na susundan ng prusisyon. Sa lalawigan ng Rizal, may mga bayan na nagsasagawa ng “Pabasa” bilang bahagi ng kanilang debosyon at paggunita na rin sa panahon ng Kuwaresma.

May mga pamilya rin, na nag-aalaga ng imahen ni San Jose, na nagdaraos ng Pabasa ng Pasyon para kay San Jose. Isa na rito ang pamilya ni Gg. Reymar “Intong” Villamar, ng Barangay San Roque, Angono, Rizal. Sisimulan ng umaga hanggang gabi at susundan ito ng “Rosario Cantada”. Ang imahen ni San Jose, na namana ng pamilya Villamar, ay mahigit 150 taon na. Ang imahen ni San Jose ay ang inilalagay sa Belen sa simbahan ng Saint Clement parish kasama ng Mahal na Birhen at ng Niño Jesus tuwing sasapit ang Pasko.

Ayon sa kasaysayan, ang debosyon kay San Jose ay nagsimula pa noong ikaapat na siglo at lumaganap ito sa kanlurang Europa noong ika-10 siglo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Si San Jose ay ipinahayag at kinilala na patron ng Universal Church noong 1870 ni Papa Pio lX at hindi nagtagal ay isinama na ang pangalan ni San Jose sa listahan ng mga banal ni Pope Saint John XXlll. Bilang patron ng Universal Church, si San Jose ang modelo ng mga pari at iba pang relihiyoso dahil sa pagiging tapat at makatotohanang pangako sa Dakilang Maykapal at sa kanilang bokasyon tulad ng “bow of celibacy” o hindi pag-aasawa. At batay sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas, ang papuring iniukol ng Diyos kay San Jose ay napapaloob sa dalawang salitang, “Vir Justus” o isang taong banal. Ang pangalan ni San Jose ay araw-araw na binabanggit sa misa.

Mula si San Jose sa angkan ni Haring David at napili ng Diyos upang maging kabiyak ni Maria at ama sa turing ni Kristo—ang Diyos na nagkatawang tao.

Bilang isang ulirang ama, ginawa ni San Jose ang kanyang tungkulin. Naghanap-buhay bilang isang karpintero sa Nazareth. Bagamat maikli lamang ang naging bahagi ni San Jose sa buhay ng Banal na Mananakop at sa Mahal na Birheng Maria, ang buong buhay niy ay ginugol naman niya sa pangangalaga sa Banal na Pamilya hanggang sa kanyang kamatayan.

(Clemen Bautista)