Itinakda ang mga bagong patakaran para sa mga Pilipino na naninirahan sa United Arab Emirates (UAE) na kukuha ng mga affidavit of support upang mag-sponsor ng kanilang mga kamag-anak na nais bumisita sa bansa.
Batay sa ulat ng Gulf News, maaari lamang mag-sponsor ang mga Pilipino ng mga kamag-anak hanggang sa fourth degree of consanguinity or affinity, halimbawa, asawa, magulang, anak, kapatid, lolo at lola, mga apo, tiyuhin, tiyahin, pamangkin, first cousin, at in-laws.
“Authenticated birth certificates and/or marriage certificates should support this claim”, iniulat ng Gulf News.
Kasama rin dito ang bagong mga patakaran na tanging ang mga kumikita ng Dh3,500 at higit pa ang maaaring mag-sponsor ng kamag-anak. Hindi ito maaaring gawin ng mga may hawak ng servant’s visa.
Ang nanny o family driver’s visa ay hindi pinahihintulutan na mag-sponsor ng mga kamag-anak “because we believe they do not have the capacity to sponsor someone as a tourist here”, sinabi ni Deputy Consul-General Giovanni Palec sa Gulf News.
“Considering that they live with their employers, I don’t think any employer would let their nanny’s relatives stay in their place,” dagdag niya.
Bukod dito, ang mga sponsor ng mga turista ang mananagot kapag ang huli ay naging pabigat sa publiko o kapag hindi naman nagliliwaliw ang bisita sa UAE kundi naghahanap ng trabaho.
“What we’re seeing now is there has been a big increase in the number of Filipino tourists coming to the UAE to work. Recently, we’ve seen many of them getting into trouble,” sinabi ni Palec, ulat ng Gulf News. (TESSA DISTOR)