Sugatan ang 10 overseas Filipino worker (OFW), na nakatakdang umalis sa bansa patungong Middle East, matapos na bumangga ang kanilang sinasakyang van sa center island sa Pasay City nitong Miyerkules ng hapon.

Ayon kay SPO2 Marilou Sandrino Intia, ng Pasay Traffic Department, sumabog ang kaliwang gulong ng Hyundai Starex van (ARA 2626) na minamaneho ni Elmer Cepe, 23, liaison officer ng Jenerick Agency sa Barangay Palanan, Makati City, kaya nawalan ito ng kontrol sa sasakyan bago sumadsad sa center island sa Roxas Boulevard, sa tapat ng Cuneta Astrodome.

Nabatid na patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mga biktima para sa kanilang flight nang mangyari ang insidente.

Mabilis na rumesponde ang Pasay Rescue team at agad dinala ang mga sugatang OFW sa San Juan De Dios Hospital dahil sa tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nagmula pa sa Pampanga, Tarlac, Laguna at Camarines ang 10 OFW na hindi nabanggit ng pulisya ang pangalan.

(Bella Gamotea)