DHAKA, Bangladesh (AFP) – Ang sirang printer sa central bank ng Bangladesh ang naging dahilan kayat hindi kaagad nasagot ang mga katanungan mula sa ibayong dagat tungkol sa mga kahina-hinalang transaksiyon, ayon sa ulat na nakita ng AFP nitong Miyerkules kaugnay sa $81 million cyber heist na yumanig sa banking world.

Binalikan ng ulat, isinumite sa pulisya nitong Martes, ang mga pangyayari na nagresulta sa pagnanakaw mula sa overseas account ng Bangladesh Bank.

Ayon dito, dahil sa problema sa printer at software, inabot ng apat na araw ang Bangladesh central bank bago nai-request sa mga bangko sa buong mundo na itigil ang pagbabayad sa mga hacker.

Tinangka ng mga salarin na magnakaw ng $1 billion at nakatangay ng $81 million mula sa kaban ng maralitang bansa.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Nawalan ng trabaho sa eskandalo si central bank governor Atiur Rahman at dalawa pang deputy governor, na labis na ikinapahiya ng gobyerno at nagtaas ng alarma kaugnay sa seguridad ng mahigit $27 billion foreign exchange reserves ng bansa.

Nitong Miyerkules, sinibak din ng gobyerno ang most senior banking official ng bansa na si M. Aslam Alam.

Nagawa ng mga hacker na mailipat ang $81 million noong Pebrero 5 — Biyernes, kung kailan sarado ang Bangladesh Bank — mula sa account nito sa Federal Reserve Bank of New York, at inilipat ang cash electronically sa mga bangko sa Pilipinas. Nailipat naman ang $20 million sa Sri Lanka, ngunit nabawi na ito ng Bangladesh.

Sa ulat na nakita ng AFP, sinabi ng joint director ng bangko na si Zubair bin Huda na hindi naayos ng mga engineer ang printer hanggang noong Pebrero 6, isang araw matapos magpadala ang bangko sa New York ng mga katanungan tungkol sa apat na magkakahiwalay na transaksiyon.

“Since such glitches happened before, we thought it was a common problem just like any other day,” ipinahayag ni Huda, ayon sa ulat.