Maria Sharapova

GENEVA (AP) – Sinuspinde ng United Nations si Maria Sharapova bilang ‘goodwill ambassador’ matapos nitong umamin na nagpositibo siya sa ipinagbabawal na gamot na ‘meldonium’ sa Australian Open nitong Enero.

Ayon sa pahayag ng U.N. Development Programme (UNDP), suspendido muna ang posisyon na ibinigay sa five-time grand slam winner habang gumugulong pa ang imbestigasyon hinggil sa kinasangkutan niyang kontrobersiya.

“In light of Ms Sharapova’s recent announcement, we last week suspended her role as a Goodwill Ambassador and any planned activities while the investigation continues. We wish Ms. Sharapova the best,” pahayag ng UNDP sa press statement.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Napili si Sharapova na maging bahagi ng U.N. noong 2007 kung saan tinutulungan niya ang mga nakaligtas sa 1986 Chernobyl disaster.

“The United Nations Development Programme remains grateful to Maria Sharapova for her support of our work, especially around the Chernobyl nuclear disaster recovery,” ayon pa sa pahayag ng UN.

Bunsod ng kontrobersiya, bumitaw na rin kay Sharapova, itinuturing na ‘highest-paid sports woman’, ang mga sponsor tulad ng apparel giant Nike, Swiss watchmaker TAG Heuer, at German luxury car maker Porsche.

Nahaharap din ang 28-anyos na tennis icon sa posibleng apat na taong banned, depende sa kalalabasan ng imbestigasyon ng International Tennis Federation.