Pinayagan kahapon ng Sandiganbayan ang mosyon ni dating Association of Philippine Electric Cooperatives (APEC) Party-list Rep. Edgar Valdez na makadalo sa burol at libing ng kanyang ina.

Sa inilabas na ruling ng Fifth Division ng anti-graft court, tatlong araw ang ibinigay kay Valdez, Marso 19-2,1 mula 3:00 ng hapon hanggang 9:00 ng gabi, para makadalo sa burol ng ina niyang si Josefina Valdez, 98, sa Arlington Funeral Homes sa Araneta Avenue, Quezon City. Pinayagan din ang akusado na makadalo sa libing sa Holy Cross Memorial Park sa Marso 22.

Sa pagdinig sa urgent motion ni Valdez, sinabi ng korte na pinayagan nila ang naturang kahilingan ng kongresista dahil na rin sa “humanitarian consideration”.

Miyerkules nang binawian ng buhay ang ina ng mambabatas sa Philippine Heart Center sa Quezon City dahil sa pneumonia.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Si Valdez ay nahaharap sa kasong plunder at pitong bilang ng paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) bunsod ng umano’y pagkakasangkot sa multi-bilyon pisong pork barrel fund scam, at inakusahang nagbulsa ng mahigit P57 milyon kickback.

Inakusahan si Valdez ng paglalaan umano ng kanyang pork barrel fund sa mga pekeng foundation ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles, itinuturong utak sa multi-bilyon pisong scam. (Rommel P. Tabbad)