Sinampahan na ng kasong kriminal ng isang motorcycle rider ang motorista na nagpanggap na pulis at nanakit sa kanya nang sila’y magkagitgitan sa Ermita, Maynila, nitong Lunes.
Nahaharap ngayon sa kasong physical injury, grave threat, usurpation of authority, at illegal use of police uniform si Gay Lord Santos, 42, residente ng Perpetual Village, Las Piñas City.
Sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa Manila Prosecutor’s Office, sinabi ni Bernard Reyes, 34, na nahagip ang side mirror ng Mitsubishi Adventure na minamaneho ni Santos ng minamaneho niyang motorsiklo sa TM Kalaw Street, dakong 2:30 ng hapon nitong Lunes.
“Hindi naman nasira (‘yun side mirror) kaya agad akong humingi ng paumanhin. Nag-green na ‘yung traffic light kaya umabante ako. Subalit hinarang ako ng suspek sa TM Kalaw St. sa Roxas Boulevard, at doon niya ako kinompronta at tinanong kung bakit ako tumatakas,” pahayag ni Reyes.
“Sinabi ko sa kanya na hindi ako tumatakas at nag-sorry ako sa nangyari. Subalit sinuntok ako sa likuran ng ulo kaya nahilo ako,” dagdag ng biktima.
Nakuhanan ng video ang pananakit ni Santos kay Reyes na naging viral sa social media. Lumitaw din sa video na nakasuot pa ng uniporme ng pulis ang suspek nang mangyari ang insidente.
Ayon sa imbestigasyon, natukoy ang pagkakakilanlan ni Santos matapos maplakahan ang kanyang Mitsubishi Adventure sa video.
Tinangkang hanapin ng pulisya si Santos sa kanyang bahay sa Las Piñas City subalit hindi na ito natagpuan.
(Jenny F. Manongdo)