Inihayag kahapon ni New Bilibid Prisons (NBP) Chief, Supt. Richard Schwarzkopf, Jr. na patuloy ang pagkaunti ng mga kontrabandong nakukumpiska sa Bilibid dahil sa serye ng “Oplan Galugad” ng Bureau of Corrections (BuCor).

Sa ika-23 Oplan Galugad kahapon ng umaga, sinalakay ng awtoridad ang Building 1 at ang Reception and Diagnostic Center sa medium security compound ng NBP sa Muntinlupa City.

Nakumpiska ang mga ipinagbabawal na gamit, gaya ng mga TV set, rice cooker, ilang piyesa ng computer kabilang ang flash drive at mother board, sangkaterbang cell phone at charger, mga patalim, batuta at kahun-kahong gagamba na pinagsasabong ng mga bilanggo bilang pampalipas-oras na nauuwi naman sa pustahan.

Samantala, sinabi ni Schwarzkopf na ipatutupad sa NBP ang “no visitation policy” sa Marso 24-25 (Huwebes Santo at Biyernes Santo) bilang bahagi ng paghihigpit sa seguridad ng Bilibid. (Bella Gamotea)

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!