MAHIGIT 700 “climate warrior” mula sa iba’t ibang dako ng Asia ang nasa Pilipinas ngayon para magsanay sa Climate Reality Leadership Training Corps., isang programa ng Climate Reality Project na itinatag ni dating United States Vice President Al Gore, na sa kasalukuyan ay pinakapopular na nagsusulong ng proteksiyon sa kalikasan.
Akma ang Pilipinas para pagdausan ng programa sa pagsasanay. Partikular na lantad ang ating bansa sa panganib na dulot ng mga bagyo sa Pasipiko ngunit nagpamalas ng katatagan at pagbangon matapos manalasa ang super-bagyong ‘Yolanda’ sa Visayas noong Nobyembre 2013, ayon kay Gore. May mga epektibong batas din ang Pilipinas laban sa climate change na nagsisilbing huwaran ngayon ng mundo, dagdag niya.
Inaasahan ng mga siyentista na mas magiging matindi pa ang mga bagyong mananalasa mula sa Dagat Pasipiko dahil sa patuloy na pag-iinit ng karagatan. Mahigit 90 porsiyento ng init na naiipon dahil sa global warming ay dumidiretso sa karagatan sa paligid ng Pilipinas at mas mabilis ngayon ang pag-init kaysa iba pang lugar sa planeta.
Hindi lamang basta umiinit ang karagatan sa Pilipinas. Tumataas din ito. Mismong si Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje na ang nagkumpirma kamakailan na batay sa satellite data mula 2002 hanggang 2014 ay makikitang tumaas ng 14 millimeters kada taon ang karagatan sa paligid ng Pilipinas, mas mataas kaysa karaniwang pagtaas ng dagat sa mundo na nasa three millimetres kada taon. Kaya naman nasa panganib ang mga komunidad na nasa dalampasigan, aniya.
Para sa pandaigdigang kampanya nito laban sa climate change, ang Climate Reality Project ni Al Gore ay mayroon na ngayong 6,000 grassroots leader na nagsasagawa ng mga training session, gaya ng ginanap kamakailan sa Maynila. Sila ay nasa mahigit 57 bansa ay nakikipagtulungan sa lahat ng antas ng lipunan. Hangad nilang makumbinse ang mga bansa na bawasan ang paggamit ng uling, petrolyo, at gasolina sa paglikha ng kuryente at sa halip ay gumamit na lang ng renewable energy.
Marami pa ring coal-powered plant sa Pilipinas ngunit nangunguna na ito sa pagpapatayo ng mga solar, wind, at geothermal energy plant. Sa nakalipas na limang taon, inaprubahan ng Board of Investments ang P170-bilyon pamumuhunan sa 144 na renewable energy project. Mayroon din tayong National Greening Program na layuning isulong ang muling pagtatanim ngayong taon sa may 15 milyong ektarya ng nakalbong kagubatan. Sisipsipin ng bagong kagubatan ang carbon dioxide sa hangin, isa sa mga pangunahing sanhi ng pag-iinit ng mundo.
Nasumpungan ni Al Gore at ng kanyang Climate Reality Project sa Pilipinas ang isang handa at masigasig na katuwang sa pandaigdigang pagsisikap laban sa climate change. Dinanas na natin ang pinakamatindi nitong epekto, ngunit determinado tayong gawin ang ating makakaya upang maibsan ang patuloy nitong pagbabanta sa pamamagitan ng tuluy-tuloy nating pagsusulong ng ating renewable energy resources.