PINAKASUHAN ng Ombudsman si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian at iba pa sanhi ng sunog na tumupok sa Kentex Manufacturing Corporation, na ikinasawi ng 74 na manggagawa. Sila ay nahaharap sa reckless imprudence resulting to multiple homicide. Ano pa ang maasahan natin sa Ombudsman kundi ang gawin ito. Kasi, ang Pangulo mismo ang nag-utos sa Department of Justice at Ombudsman na imbestigahan ang insidente at papanagutin ang responsable sa pagkamatay ng mga manggagawa.
Kung tutuusin, ang bagay na ito ay para sa level lang ng mas mababa sa Pangulo para pakialaman. Puwede nang ipaubaya sa DILG na siyang nangangasiwa sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire (BOF), at Department of Labor and Employment (DoLE). Pero, bakit personal na nakialam ang Pangulo sa insidenteng ito? Noong panahon kasing iyon, ang Pangulo ay mariing binabatikos sa mga isyu ng Mamasapano, LRT at iba pang problema. Upang alisin ang init sa kanya, nais niyang ituon ng publiko ang kanilang pansin sa nangyaring insidente sa Kentex.
Ilang buwan na ang nakararaan nang lumabas ang Pangulo sa telebisyon at ipinakita niya sa pamamagitan ng sketch kung saan nagsimula ang apoy, kung paano ito kumalat at kung saan naipit ang mga nasawing manggagawa. Kulang daw sa kagamitang hinihingi ng batas ang kumpanya para sa kaligtasan ng mga trabahador. Sa kabila nito, aniya, ay binigyan ito ng permiso ng alkalde para mag-operate.
Ang ibinigay na mayor’s permit ng alkalde ay provisional o pansamantala lamang. Pinahintulutan ito ng DILG noong si Jessie Robredo pa ang kalihim. Sa kanyang memorandum na ginawa sa pahintulot ng mga pinuno ng mga local government units (LGU’s), ang LGU ay maaaring mag-isyu ng pansamantalang mayor’s permit sa mga establisimyento upang makapag-operate habang nag-iinspeksiyon ang BOF. Kapag nasertipikahan na ng BOF na maayos ang isang pagawaan, saka mag-iisyu ng permanenteng mayor’s permit.
Ang nais ng DILG ay makapagsimula na ng operasyon ang mga pagawaan sa pamamagitan ng provisional mayor’s permit habang hinihintay na mainspeksiyon ang mga ito ng BOF. Kung hihintayin pa ang resulta ng inspeksiyon, eh, magtatagal pa bago sila makapagsimula ng kanilang operasyon sa dami ng mga kumpanyang iinspeksyunin.
Nang maganap ang sunog sa Kentex, wala pang ibinigay ang BOF na resulta ng inspeksyon kaya provisional mayor’s permit pa lang ang tangan ng Kentex, ayon sa memorandum ni Robredo. Hindi pagnanakaw ng salapi ng bayan o anumang katiwalian na iniyaman ni Mayor Gatchalian ang reklamo sa kanya. Hazard of the profession ang nangyari.
(RIC VALMONTE)