COPENHAGEN, Denmark (AP) — Ang Denmark, marahil ay mas kilala sa kathang isip at naghihinagpis na si Prince Hamlet at sa malulupit na mga piratang Vikings kaysa bansa ng pinakamasasayang tao, ay napanalunan mismo ang pagkilalang ito. Na naman.

Maging ang U.S. Democratic front-runners na sina Hillary Clinton at Bernie Sanders ay binanggit ang maliit na bansang Scandinavian bilang halimbawa ng isang masaya at maayos na lipunan. Ginawa itong opisyal ng United Nations nitong Miyerkules: Natuklasan na ang mga Danes ang pinakamasasayang tao sa mundo, sa isang pag-aaral sa 156 na bansa.

Alam ni Knud Christensen, 39-anyos na social worker, ang isa sa mga rason kung bakit relaks lamang ang kanyang mga kababayan --pakiramdam nila ay ligtas sila sa bansa na bibihira ang mga kalamidad, walang gaanong kurapsiyon, at halos walang marahas na pangyayari.

“We have no worries,” sabi ni Christensen, nakangiti habang nakatayo sa isang kalye sa Copenhagen malapit sa City Hall ng kabisera. “And if we do worry, it’s about the weather. Will it rain today, or remain gray or will it be cold?”

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ang bansang Scandinavian ng 5.6 milyon ay dalawang beses nang hinawakan ang titulo simula nang umpisahan ng world body ang pagsusukat sa “happiness” sa buong mundo noong 2012, na nakabase sa iba’t ibang factor: Kalusugan ng mamamayan at pagkakaroon ng medical care, mga relasyon ng pamilya, seguridad sa trabaho at social factors, kabilang na ang kalayaan sa politika at antas ng katiwalian sa gobyerno.

Kilala ang egalitarian Denmark, kung saan hawak ng kababaihan ang 43 porsiyento ng pinakamataas na posisyon sa publikong sektor, sa malawak at mapagbigay na cradle-to-grave welfare.

Iilan lamang ang nagrereklamo tungkol sa mataas na buwis dahil bumabalik naman sa kanila ang mga benepisyo mula sa health care system na ang lahat ay may libreng pagpapagamot sa general practitioner at sa mga ospital. Ang mga buwis din ang nagbabayad sa mga eskuwelahan at unibersidad, at ang mga estudyante ay binibigyan ng monthly grants ng hanggang pitong taon.

Marami ang kumpiyansa na kapag nawalan sila ng trabaho o nagkasakit, susuportahan sila ng estado.

Sinabi ni Jeffrey Sachs ng Columbia University, isa sa mga nasa likod ng ulat, na ang happiness at well-being ay dapat na kasama sa agenda ng isang bansa.

“Human well-being should be nurtured through a holistic approach that combines economic, social and environmental objectives,” ipinahayag niya bago ang opisyal na pagpresinta sa World Happiness Report 2016 sa Rome nitong Miyerkules.

Sinabi ni Kaare Christensen, university professor sa demography and epidemiology sa Odense, kung saan isinilang ang fairy tale writer na si Hans Christian Andersen, na hindi mahirap pasayahin ang mga Danes.

“They are happy with what they get. Danes have no great expectations about what they do or what happens to them,” paliwanag niya.

Naniniwala si Christian Bjoernskov, economy professor sa University of Aarhus, ang ikalawang pinakamalaking lungsod sa Denmark, na may malaking kinalaman dito ang pakiramdam ng self-assurance at self-determination.

“Danes feel confident in one another… when we stand together we can succeed,” aniya. “And they also have a strong belief they can decide their own lives.”

Sumusunod sa Denmark bilang pinakamasasayang bansa noong nakaraang taon ang Switzerland, Iceland at Norway, na sinundan naman ng Finland, Canada, Netherlands, New Zealand, Australia at Sweden. Ang United States ay nasa ika-13, umangat ng dalawang puwesto sa nagdaang taon.