ronda copy

ROXAS CITY – Hindi na nakipagbakbakan si overall leader Ronald Oranza, sapat para makahirit ang kasanggang si Joel Calderon sa Stage 4 criterium ng 2016 Ronda Pilipinas Visayas leg kahapon, sa Pueblo de Panay.

Hindi na rin masyadong nagbantay ang miyembro ng Philippine Navy-Standard Insurance, sapat para makasingit sina Ronnilan Quita at Rustom Lim ng Team LBC/MVP sa podium.

Tinahak ng 36-anyos na si Calderon mula sa Guimba, Nueva Ecija ang 2.68 kilometrong ruta sa loob ng isang oras, walong minuto at 39.86 segundo.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Wala akong balak kumuha ng Stage, natapat lang at nasa kundisyon,” pahayag ni Calderon, nakuha ang nakatayang 15 puntos sa karera upang makausad sa ikatlong puwesto mula sa dating ikapitong puwesto na kinalalagyan sa overall classification.

Tumapos na ika-11 puwesto si Oranza subalit nanatiling suot ang Red Jersey na may kabuuang 44 na puntos at kabuuang oras na (6:44:48.41) kasunod ang tatlong kakampi sa Team Navy na sina Rudy Roque na may 36 na puntos (6:45:09.46) at si Calderon na may 33 puntos (6:45::26.41).

Nakabuntot ang dalawang Team LBC/MVP rider na kapwa may 26 na puntos -- Ronald Lomotos (6:47:50.94) at Rustom Lim (6:49:34.16). Nasa ikaanim si Mindanao leg champion Jan Paul Morales (23 puntos), ikapito si Lloyd Reynante (21 puntos), ikawalo si El Joshua Carino (20), ikasiyam si Daniel Ven Carino (18) at Jhon Mark Camingao (17).

“May potensiyal iyung (Ronnil) Quita, disiplina lang ang kailangan. Alam ko na kaya ko ang bata sa rematehan kaya sa huling lap ay siniguro ko na,” sabi ni Calderon na huling nagwagi ng lap noong 2013 sa Pagadian City leg.

Naorasan ang 21-anyos na si Quita mula San Jose, Tarlac at panganay sa apat na magkakapatid sa kabuuang 1:09:42.44, habang ang kakampi nito na si Rustom Lim ay may 1:10:15.20. Pang-apat na dumating sa finish line si Daniel Ven Carino (1:10:15.74) at ikalima si Ronald Lomotos ng Team LBC/MVP (1:10:16.63).

“Malakas po talaga siya (Calderon),” sabi ni Quita na umaasa sa pagbibisekleta upang suportahan ang kanyang ama na karpintero at ang pag-aaral ng bunsong kapatid na si Ronnie.

“Grade 6 lang po kasi natapos ko kaya gusto kong makatapos kahit TESDA lang at matulungan ang mga kapatid ko din makapag-aral,” sabi ni Quita.

Ang ikalawang puwestong nakamit ni Quita ang pinakamagandang pagtatapos ng isang miyembro ng Team LBC sa premyadong bike marathon sa bansa na inorganisa ng LBC Express, sa pakikipagtulungan ng Philcycling, Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX. (ANGIE OREDO)