Inilunsad na ng Philippine National Police (PNP) ang isang mobile application, na tinaguriang “Bantay Krimen,” na magagamit ng publiko sa pagre-report ng krimen.
Pinangunahan ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez ang launching ceremony sa PNP Headquaters sa Camp Crame, nitong Miyerkules.
Kabilang sa mga dumalo sa okasyon sina Atty. Rogelio Casurao, National Police Commission (Napolcom) vice chairman; Director Benjamin Magalong, ng PNP Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM); at mga estudyante ng University of the Cordilleras (UC).
Maaari nang gamitin ng mga residente ng Metro Manila ang Bantay Krimen app, at ito ay inaasahang ilulunsad sa ibang lugar sa bansa.
Ang naturang mobile application ay nilikha ng mga inhinyero ng UC, sa pagkikipagtulungan sa DIDM bilang bahagi ng “Next Generation Investigation” project nito.
Ayon sa PNP, ang Bantay Krimen mobile app ay magagamit ng mamamayan upang mapalawak ang kaalaman sa pag-iwas sa krimen, crime reporting at prevention gamit ang kanilang gadget, mobile phone man o tablet.
Mangangailangan ito ng GPS location, lalo na sa hotspot notification kung saan matutukoy ng user kung pumapasok siya sa isang crime hotspot zone. (Aaron Recuenco)