MATAPOS matagumpay na naidaos ang 2015 Philippine Superbike Season at mapanalunan ang Overall Championship para sa Expert at Open Superbike Class, nabuo na ang tambalan na Superbike race champion Raniel Resuello at ng aktor na si Richard Gutierrez sa pagtatatag ng WheelTek-RGutz Racing Team na sasabak sa 2016 Superbike Race event.
Kilalang sportsman na mahilig sa adventure at motorbike racing, sinelyuhan ni Gutierrez ang tambalang RGutz at Wheeltek, distributor ng Kasawaki motorbike sa Pilipinas, sa pagsabak ni Resuello sa anim na round ng 2016 Philippine Superbike race na magsisimula sa Abril 23 at magtatapos sa Oktubre 2.
Gamit ang bagong Kawasaki ZX 10Rs, isang race bike na hindi lamang kilala sa buong mundo sa tulin kundi maging sa tibay at kalidad.
Sa edad na 26 ay mahigit 10 taon nang kumakarera sa motorsiklo si Resuello simula sa underbone race events.
Nitong 2015, ang graduate ng Centro Escolar University ang nakasungkit sa 2015 Philippine National Superbike Champion-Expert Class title gamit ang Ducati Panigale R race bike.
Bukod kay Gutierrez, kabilang sa mga dumalo sa paglagda sa memorandum of agreement sa pagtatatag ng Wheeltek-RGutz Racing Team kamakailan sina Jin Inoue, Kawasaki Motors Phils. Corp. president; Raymund Odulio, WheelTek VP for Finance; Reynaldo O.L. Odulio Jr. , Wheeltek VP for Operations; at Roscoe Oduliio, WheelTek VP for Sales and Marketing.
Umaasa ang grupo na mahigit sa 2,000 motorbike racing enthusiast ang manonood ng bakbakan ng pinakamagagaling na superbike rider sa bansa na gaganapin sa Clark International Speedway (CIS) sa Pampanga at Batangas Racing Circuit (BRC) sa Rosario, Batangas.