Ang hindi pantay-pantay na serbisyong pangkalusugan, kakulangan sa health workers, at maling health care system ang tatlong pangunahing problemang pangkalusugan na dapat na tugunan ng mga susunod na leader ng bansa, ayon sa mga doktor.

Ayon kay Dr. Antonio Dans, pangulo ng Philippine Society of General Internal Medicine, isa sa mga halimbawa ng hindi pantay-pantay na serbisyo ay ang kaibahan ng gamutan sa mayayaman at mahihirap.

“Inequities in health, napakalaking injustice naman noon. Dahil magsasaka ka, mas malaki ang chance na mas mamamatay ang anak, or mas malaki chance na ikaw mamamatay na walang titingin sa ‘yo na doktor,” sinabi ni Dans sa isang health forum nitong Biyernes.

Batay sa datos, aniya, kalahati ng mga isinisilang sa pinakamahihirap na pamilya ay hindi pinangasiwaan ng doktor o kumadrona, 60 porsiyento ng mga may alta-presyon ang hindi nagagamot, habang 66% porsiyento ang binawian na lang ng buhay nang hindi nagagamot.

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

“’Yung kulang ng tao. PhilHealth [Philippine Health Insurance Corporation] covered ka nga, kung wala kang pupuntahan [na ospital], saan mo magagamit ‘yung PhilHealth coverage na ‘yun?” ani Dans.

Sa kasalukuyan, ang kasalukuyang ratio ng doktor sa pasyente ay 1:40,000.

Higit sa lahat, aniya, napakalaki ng problema sa health care system na kailangang resolbahin ng susunod na administrasyon.

“We are in a decentralized system.... DoH (Department of Health) is only advisory to the LGUs. They would say that there should be an HIV program. The LGU is no way required to follow what the DoH says. That’s fragmentation,” paliwanag ni Dans.

“Hindi natin maso-solve ang problems na ito kung ‘di natin pupunahin na ito ang basic problems natin. Minsan, ano tayo, shoot from the hip, band-aid solutions lang. May Zika virus, Zika solution. Mayroong epidemic HIV, solution for HIV. Hiwalay na problem, hiwalay na budget, hiwalay na tao, hiwalay na opisina. So, ang hinahanap natin na solution is system reform. Hindi habambuhay band-aid solution,” giit ni Dans. (CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE)