NAGKASUNDO noong nakaraang linggo ang mga inhinyero ng gobyerno na nagpulong sa Quezon City na ang pagbaha sa siyudad, sa buong Metro Manila, at sa mga karatig na lugar sa Rizal at Bulacan ay maiibsan kung sistematikong pangangasiwaan ang pagpipigil sa baha at sa iba pang proyekto.
Matagal na panahon pa bago magsimula ang pag-uulan sa Mayo. Bago ito, mararanasan muna natin ang taunang tag-init ngayong buwan at sa Abril. Ngunit mainam na ngayon pa lamang ay nagpupulong na ang mga inhinyero upang epektibong maplano at maipatupad ang mga proyekto kaugnay ng matinding problema ng baha sa Metro Manila.
Sinabi ni Quezon City engineer Joselito Cabungcal na ang hindi sabay-sabay na implementasyon ng mga proyektong imprastruktura ang pangunahing sanhi ng pagbabaha sa rehiyon. Bukod sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways, may mga proyekto rin ang Metropolitan Manila Development Authority at ang iba’t ibang lokal na pamahalaan.
Hanggang ngayon, malaking problema pa rin sa Metro Manila ang matinding pagsisikip ng trapiko at isang dahilan dito ay ang kawalang koordinasyon sa pagpapatupad ng mga proyekto ng iba’t ibang lungsod. Siyempre, may iba pang dahilan, gaya ng napakalaking bilang ng mga sasakyang nagdaraan sa limitadong mga kalsada, palpak na pagpaplano ng trapiko, at hindi maayos na pagpapatupad ng batas-trapiko. Ngunit ang biglaan, halos magkakasabay na pagsisimula ng mga proyektong magsasaayos sa mga lansangan sa buong Metro Manila ay lagi pa ring nakasosorpresa sa mga motorista at dumadagdag sa problema sa trapiko.
Sumang-ayon ang mga inhinyero sa mga siyudad at mga lalawigan na nakipagpulong kay QC Engineer Cabungcal na ang masusing pakikipag-ugnayan sa mga proyektong pagawain ay magbabawas sa tsansa ng pagkakaantala ng mga ito at ng iba pang problema na lagi nang nakakaperhuwisyo sa mga komunidad. Iminungkahi nila ang regular na pagdaraos ng mga pulong na teknikal upang maiwasang mapagsabay-sabay ang mga pagawain sa kaparehong panahon at lugar.
Partikular na nangangamba para sa darating na tag-ulan ang mga inhinyerong nagpulong sa Quezon City. Karaniwan nang ang mga lokal na pamahalaan ang naglilinis ng mga kanal at daluyan, at tuwina ay natutuklasan nila ang santambak na plastik na bumabara sa mga ito. Ngayong taon, posibleng nabarahan ng mismong mga pagawaing proyekton ang mga kanal at daluyan.
Kabilang ang mga maagang paglilinis ng daluyan na gaya nito, maaari na ring simulan ang mga pulong na iminungkahi ng mga city at provincial engineer na nagsipagharap sa Quezon City. Maaari silang magtalakayan at magkasundo—o kahit magpalitan lamang ng mga ideya—tungkol sa paraan ng pagsasakatuparan sa proyekto, sa disenyo ng imprastruktura, o sa pagtatakda ng pagsasagawa ng mga ito. Ang mahalaga ay magkaroon sila ng epektibong ugnayan sa kani-kanilang proyekto upang hindi maperhuwisyo ang araw-araw na pamumuhay ng publiko at matiyak ang benepisyo ng mga komunidad.